MANILA, Philippines — Hinimok ni dating kalihim at ngayon ay kandidato sa pagka-senador na si Atty. Benhur Abalos Jr. ang mga Pilipino na maingat na suriin ang mga kwalipikasyon, rekord, at integridad ng mga kandidato sa nalalapit na halalan sa Mayo 2025.
Binigyang-diin niya na ang magiging resulta ng pambansa at lokal na halalan ay may malaking epekto sa kinabukasan ng bansa, lalo na ang mga tumatakbo para sa pambansang posisyon gaya ng Senado.
“Itong darating na eleksyon kasi ito’y magdidikta ng ating kinabukasan. Tandaan natin ang gagawin ng senador, siya’y gagawa ng mga polisiya, siya’y gagawa ng mga batas, ang direksyon ng ating bansa. Napaka-importante ng eleksyon na ito,” sabi ni Abalos.
Sinabi rin ni Abalos na importante ang kakayahan at mahusay na pamamahala para sa epektibong pamahalaan.
Hinimok din ni Abalos ang mga botante na pag-aralang mabuti ang kasaysayan at mga nagawa ng bawat kandidato upang matiyak na sila ay kwalipikado na magpatupad ng mga makabuluhang polisiya at programa.