August 18, 2025 | 12:00am
MANILA, Philippines — Nanawagan ang abogado ng isang pulis na sangkot sa kaso ng “missing sabungeros” sa Department of Justice (DOJ) na ipa-subpoena ang umano’y hawak na affidavit ng Criminal and Investigation and Detection Group (CIDG) na makakatulong sa depensa ng kanyang kliyente.
Sa 3-pahinang liham kay Prosecutor General Richard Anthony Fadullon nitong Agosto 15, 2025 ni Atty. Bernard Vitriolo, abogado ni PSMS Joey Encarnacion, sinabi nito na hindi dapat ibatay ang anumang imbestigasyon sa piniling ebidensya lamang ng isang ahensiyang tapagpatupad ng batas tulad ng CIDG.
Giit pa ng abogado na ang hindi pagsama sa mga affidavit ay makapagdudulot ng labis na pinsala sa kanyang kliyente.
Sa pahayag ng CIDG kamakailan inamin ito na natanggap na nila ang affidavits noong Hulyo 11, 2025 subalit hindi ito kasama sa case folder na kasalukuyang sinusuri ng DOJ, dahil hindi umano galing sa kanilang mga imbestigador ang mga dokumento.
“In these affidavits, it appears that the masterminds and perpetrators in the missing sabungeros case are no less than the Patidongan brothers themselves, including the whistleblower,” ayon pa kay Vitriolo.
Ang tinutukoy ng abogado ay si Julie “Dondon” Patidongan na nagpakilalnag whistleblower sa kaso at itinuro ang kliyente ni Vitriolo na si Encarnacion bilang isa sa 12 pulis na sinampahan ng kasong criminal sa DOJ kaugnay sa kaso.
