Acting Digos City police chief, sibak sa pinaslang na barangay chairman


Joy Cantos — Pilipino Star Ngayon

November 28, 2025 | 12:00am

MANILA, Philippines — Sinibak sa puwesto ang acting Chief of Police ng Digos City matapos ang kaso nang pagpatay sa isang Brgy. Chairman habang nagpa-facebook live sa naturang lungsod sa Davao del Sur noong Martes ng gabi.

Ayon kay Police Regional Office (PRO) 11 P/Brig. Gen. Leon Victor Rosete, si P/Lt.Col. Peter Glenn Ipong ay inalis sa puwesto habang patuloy ang imbestigasyon sa kaso kaugnay ng pagpatay sa biktimang si Tres de Mayo Brgy. Chairman Oscar “Dodong “ Bucol Jr. na ang pamamaril ay nakunan pa sa facebook live nito noong Martes ng gabi.

Ayon kay Rosete ang hakbang ay upang tiyakin ang patas at walang kinikilingang pagsisiyasat sa kaso at ipinag-utos din ang masusing imbestigasyon sa pamamaslang kay Bucol.

Kaugnay nito,nasa P2 milyon naman ang reward sa sinumang makapagtuturo o makapagbibigay ng impormasyon sa ikaaaresto ng mga salarin.

Nabatid na P1 milyon ang mula kay Vice President Sara Duterte at P1 milyon din ang handang ibigay ni Davao del Sur Governor Yvonne Cagas kung saan P500,000 dito ay para sa pagkakaaresto sa mga suspect at P500,000 naman sa pagtukoy sa mastermind na nais ng mga itong managot sa batas.