TAYABAS CITY , Philippines — Idineklarang “critical watershed” ng tatlong barangay na nakakasakop dito ang makasaysayang Alitao River ng lungsod na ito upang maprotektahan laban sa mapanirang mining operations.
Base sa pinagkaisahang ordinansa na 2025-001 na ipinasa ng mga barangay ng Lalo, Alitao at Ipilan, ipinagbabawal na ang pagsasagawa ng pagmimina, quarrying at mga kahalintulad na aktibidad sa Alitao River na dinadaluyan ng masaganang tubig mula sa paanan ng Mt. Banahaw at bumabagtas patungo sa catch basin na Lucena City, Quezon.
Kaalinsabay nito, idineklara rin ang tatlong barangay na mga “Ecotourism Zone”.
Ayon kay Jay Lim, Tanggol Kalikasan project officer, ikinatutuwa ng mga Tayabasin at mga environmentalists ang ginawang hakbang ng mga konseho ng tatlong barangay na nakakasakop sa Alitao River.
Ani Lim, matinding “impact “umano ang ordinansa upang mapigilan ang pagkasira ng makasaysayang ilog sa harap ng pagsasagawa ng illegal rock and sand mining operations.
Ang Alitao River ay naging sentro ng malaking pangyayari o kasaysayan noong panahon ng Kastila.
Noong Nobyembre 1,1841, ang mga miyembro ng Cofradia de San Jose na pinamumunuan ni Apolinario de la Cruz na higit naa kilala sa “Hermano Puli” ay sa Alitao river naglagay ng kanilang kampo dahil sa estratehiko nitong lokayon.
Subalit dahil sa rami ng bilang ng mga sundalong Kastila ay walang nagawa ang grupo ni Hermano Puli sa labanan at ang mga dugo nila ay umagos sa Alitao River hanggang sumuko na kalaunan ay ikinadakip din ni Puli at pinagputol-putol ang kanyang katawan.