NAGKAROON ng konklusyon si Vince na galing Saudi Arabia ang tatlong malalaking kahon na hinakot patungo sa bahay. Minsan na siyang nakakita ng balikbayan boxes na galing Saudi nang bumisita siya sa bahay ng pinsang OFW ilang taon na ang nakararaan. Nagkataon na may dineliber na cargo mula Saudi. May mga nakatatak na Saudi cargo sa mga kahon na green ang kulay. May symbol ng Saudi Arabia.
Kaya tiyak ni Vince na ang mga balikbayan boxes ay galing Saudil. Tiyak na isang OFW ang mister ng babae na nangungupahan sa kabilang bahay.
Baka engineer ang asawa ng babae. Malalaki ang sahod ng mga Pilipinong engineer sa Saudi. Ang kanyang pinsan ay electronics and communication engineer sa Ministry of Defense and Aviation at ang sabi ay nasa 10,000 Saudi Riyals ang suweldo kasama ang overtime. Maaring totoo dahil nakapagawa nang malaking bahay ang pinsan niya sa Fairview. At sabi pa ng pinsan niya, may rest house ito sa Batangas. Mayroon din daw itong ilang ektaryang farm sa Quezon province.
Nakabili rin ng ilang SUV at kotse ang pinsan niya.
Pero bakit nangungupahan lang itong bago niyang kapitbahay kung maganda ang trabaho ng mister sa Saudi.
Baka naman hindi engineer at karaniwang manggagawa lang sa Saudi ang mister.
Baka secretary o clerk sa isang tanggapan ng gobyerno.
Isang umaga, habang nagdidilig ng halaman, napansin ni Vince ang mga walang laman na balikbayan boxes na nakatambak malapit sa pader.
Pasimple niyang binasa ang pinanggalingan ng mga kahon.
Tama siya, sapagkat sa Saudi Arabia nga nanggaling ang balikbayan boxes.
Itutuloy