HINDI mapakali si Vince nang may dumating na lalaki sa bahay ni Margie. Nakasakay sa taxi na may nakasulat na NAIA. Galing NAIA ang taxi kung ganoon at isang balikbayan ang pasahero.
Maaring ang asawa ni Margie ang dumating. Sinubaybayan ni Vince ang galaw ng bagong dating. May ibinaba na maleta at bag na may nakasulat na duty free. Parang alak ang laman ng bag.
Hindi humihinga si Vince. Ang naiisip niya: may kasama kayang ibang lalaki si Margie sa loob ng bahay? Dumalaw kaya ang kabit ni Margie na si Ram? May ginagawa kaya sila sa loob?
Hindi naman nakakandado ang gate kaya nakapasok ang bagong dating na lalaki. Pero matagal bago nabuksan. Hindi nito kabisado kung paano bubuksan ang gate. First time marahil ng lalaki na makapasok. Naisip ni Vince na baka ito na nga ang mister na OFW ni Margie.
Nang mabuksan, binuhat ng lalaki ang maleta at ang bag na may nakasulat na duty free at ipinasok sa loob.
Hindi halos kumukurap si Vince sa pagsubaybay sa lalaki. Kahit na nakapasok na ang lalaki, hindi pa rin lumalabas si Margie. Wala pa ring kamalay-malay na may dumating at nakapasok na sa gate.
Baka naman wala si Margie sa bahay?
Baka nakipagtagpo sa lalaki nito?
Sabagay, naisip ni Vince, mas mabuti nang wala sa bahay si Margie kaysa naman mahuli sila sa akto.
Mas malaking eskandalo ang mangyayari kung nasa loob ng bahay ang kalaguyo ni Margie na si Ram. Baka dumanak ang dugo, gaya nang napanood niyang balita sa TV na pinagbabaril ng mister ang misis at kalaguyo nito sa motel.
Itutuloy