Ang Kapitbahay (2) | Pilipino Star Ngayon


Ronnie M. Halos — Pilipino Star Ngayon

January 15, 2026 | 12:00am

Mula nang tumira si Vince sa kanyang bagong bahay, nasubaybayan niya ang mga nangupahan sa katabing bahay na nasa gawing kanan. Mas naunang gawin ang kanyang bahay sa block na iyon at isa rin siya sa mga unang tumira kaya alam na alam niya ang mga nangyari. Halos lahat sa mga bahay sa block o street nila ay pinauupahan.

Ang isa pang katabing bahay (nasa kaliwa) ay balak din daw paupahan ng may-ari. Karamihan sa may-ari ng bahay ay nasa ibang bansa at pawang mga caretaker lamang ang nag-aasikaso sa pagpapaupa.

Ang isang ikinatutuwa ni Vince ay tahimik sa kalye o sa block nila. Walang mga marites sa kalye. Walang makikitang tao na nakatambay. Wala ring mga bata nakakalat.

Masuwerte na si Vince sa tirahan niya. Bukod sa tahimik, malakas ang tubig at walang problema sa wifi, cable at iba pa. Kapag handa na siyang mag-asawa, maipagmamalaki niya ang napiling lugar.

Nasa ganoong pag-iisip si Vince nang mapansin ang mga bagong lipat sa katabing bahay. Nakita niya ang lalaki at babae. Sweet sa isa’t isa.

Naisip ni Vince na bagong kasal siguro. Halatang mahal na mahal ang isa’ isa.

Hanggang kailan kaya tatagal sa paninirahan dito ang mag-asawa? Ang sinundan nila ay wala pang isang taon tumira.

(Itutuloy)