August 20, 2025 | 12:00am
SI Senate President Francis “Chiz” Escudero ay parang keso na natutunaw sa init ng kontrobersiya. Kung hindi pa sapat ang kanyang pagiging “chief archivist” sa impeachment case ni Sara Duterte, ngayo’y nalulubog siya sa alegasyong multi-bilyong budget insertions sa 2025 national budget.
Pasok sa eksena ang Centerways Construction, kabilang sa mga kompanyang binanggit ni President Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa kanyang listahan ng mga kontraktor na sumisipsip ng flood control projects. Nilabas ni BBM ang listahan matapos bahain ang bansa, sabay banta na pananagutin ang mga tiwali.
Ayon kay Chiz, kaibigan niya ang may-ari ng Centerways, na ayon sa mga ulat, nagbigay ng P30 milyon sa kanyang kampanya noong 2022. Wow. Ang galante!
Pero mas kahanga-hanga raw ang sumunod: matapos ang eleksiyon, biglang umapaw diumano ang proyekto ng Centerways; 85 projects na umabot sa P5.16 bilyon, karamihan sa Sorsogon, balwarte ni Chiz. At ang depensa niya? “One percent lang ’yan ng flood control budget.”
Hanep! Kung ganyan ang lohika, puwede na sigurong magnakaw basta’t hindi lalampas sa one percent.
Ayon sa Comelec, bawal tumanggap ang mga kandidato ng donasyon mula sa kontratistang may kontrata sa gobyerno. Oops! May magsasampa ba ng kaso “forthwith”?
Malinaw: hindi lang literal na baha ang problema ng bansa, kundi baha ng korapsiyon. Habang ang ordinaryong Pilipino ay nalulunod sa baha, may ilan namang naliligo sa bilyones.
Ngunit hindi lang dito may kasakiman. Sa West Philippine Sea, muling naghari-harian ang China. Hinaras nila ang ating frontliners at sa sobrang agresibo, nagsalpukan pa ang sarili nilang mga barko. Parang dalawang magnanakaw na nagkauntugan habang nanloloob ng bahay. Greed met greed. Violence met violence. Lies met lies.
Ang aral: habang ang mga trapo sa bansa ay abala sa pakikipagsabwatan sa mga kontratista, ang bully at trespasser sa ating karagatan ay walang tigil sa panliligalig. Parehong mukha ng kasakiman, parehong walang malasakit sa Pilipino.
Kung patuloy nating palulusutin ang mga tiwaling trapo at ang Tsina, lulubog tayo hindi lang sa baha at korapsiyon, kundi pati sa hiya at pagkadusta. Ang tanong: may tapang ba tayong harapin pareho, ang mga buwaya sa gobyerno at ang dragon sa ating dagat? Kilos na, mga kababayan!