October 11, 2025 | 12:00am
Nag-resign si Baguio City Mayor Bejamin Magalong na adviser ng Independent Commission for Infrastructure (ICI). May pressure umano sa kanya. May conflict of interest umano ang pamamalagi nito sa ICI. Sa ngayon, marami nang ipinuputak si Magalong sa media matapos lisanin ang ICI. Nalaman ko na hindi raw masikmura ni Magalong ang kalakaran sa ICI na itinatag ni President Ferdinand Marcos Jr.
Nagbitiw din si Senator Panfilo Lacson bilang Chairman ng Senate Blue Ribbon Committee. Hindi raw masikmura ni Lacson ang kalakaran matapos na unti-unti nang nakikilala ang mga magkasapakat sa pagnanakaw ng pondo para sa flood control project.
May mga binabanggit na rito na mga senador at mga kongresista, matataas na opisyales ng pamahalaan. Sa tingin ko, na-pressure si Lacson dahil ang natutumbok ng kanyang committee ay mismong mga kasamahan niyang mga senador mismo.
Sa palagay ko, naiilang si Lacson na isalang sa imbestigasyon ang kabaro niya na mambabatas kaya’t mas minabuti nitong lisanin na lamang ang Blue Ribbon Committee upang makaiwas sa pakikipagbangga sa grupo nang mga senador na ang pinaniniwalaan ay ang dating mga kalakaran ng nagdaang administrasyon.
Kung sa tapang lang sa pakikipaglaban, hindi basta-basta mapapaurong si Lacson dahil nakita na ang kanyang kalibre noong italaga siya ni dating President Estrada na Philippine National Police chief.
Sa previleges speech ni Lacson, tinumbok niya ang mga pulitiko na sangkot sa anomalya sa ghost flood control projects. Napaamin niya si DPWH Usec. Roberto Bernardo, Engr. Henry Alcantara, Engr. Brice Hernandez, Engr. Jaypee Mendoza at iba pang personalidad.
Ang masakit lang habang lumalalim na ang imbestigasyon ni Lacson, gumawa ng mga hakbang ang mga kabaro niya para mapaalis siya sa committee. Tagumpay ang kutsabahan ng mga mambabatas dahil tumalikod si Lacson at naiwang nakatulala ang milyun-milyong Pilipino na naghihintay nang mahahatulang pulitiko at matataas na opisyales ni PBBM.
Tanong ko lang, mapapahupa kaya ang galit ng taumbayan sa pagkulimbat ng bilyun-bilyon pondo ng DPWH sa flood control projects? Kapansin-pansin ang pagmamartsa ng mga estudyante at nananawagan na ikulong ang mga kawatan. Palagay ko magiging malawakan na ito at mauuwi sa people power.