October 23, 2025 | 12:00am
Sa gitna ng baha ng korapsyon, lindol ng pangamba, at unos ng kawalan ng katiyakan, isang salita na lang ang hinahanap ng mga Pilipino—tiwala. Hindi pera, hindi proyekto, kundi paniniwalang may gobyernong tunay na kakampi, hindi kalaban. Ito ang yaman ng bayan na unti-unting nauubos sa gitna ng mga iskandalo, kasinungalingan, at pang-aabuso ng kapangyarihan.
Araw-araw, may bagong isyu ng katiwalian: mga ghost project, overpricing, at mga opisyal na tila walang takot sa batas. Paano pa maniniwala ang mamamayan kung bawat pangako ay nauuwi sa pagod, at bawat imbestigasyon ay nagiging palabas? Ang tunay na krisis ng bayan ay hindi lamang baha o lindol—kundi ang pagguho ng tiwala sa pamahalaan.
Ngunit hindi pa huli ang lahat. Maaaring mabawi ang tiwala, ngunit kailangang simulan sa katotohanan at pananagutan. Transparency ang susi—ipakita kung saan napupunta ang bawat piso. Responsibilidad ang sandigan—ang mga nagkasala, dapat managot. At higit sa lahat, malasakit —ang pusong handang makinig at kumilos para sa tao, hindi para sa sarili.
Tuwing may kalamidad, nakikita natin ang tunay na lakas ng Pilipino—ang kakayahang bumangon kahit ilang ulit nang tinatamaan ng unos. Kung nagagawa ng ordinaryong mamamayan na magtiwala muli sa bukas, dapat mas kaya ito ng mga nasa kapangyarihan.
Hindi kailanman matitibay ang dike kung ang pundasyon ay kasinungalingan. Kung nais ng gobyerno na hindi tangayin ng baha ng pagdududa, dapat itong magpatayo ng pundasyong gawa sa katapatan at malasakit.
Ang baha at bagyo ay lilipas. Ngunit ang kawalan ng tiwala —iyan ang unos na matagal bago humupa. Ang pagbangon ng bansa ay magsisimula lamang kapag muling naibalik ang paniniwala ng mamamayan. Dahil sa huli, walang gobyernong tatagal kung wala nang naniniwala.
* * *
Para sa mga komento at suhestiyon, mag-text sa 09818100000.