KADUDA-DUDA ang tiyempo ng umano’y pagpapalabas ng warrant of arrest ng International Criminal Court (ICC) laban kay dating President Rodrigo Duterrte. Nasa Hongkong kasi ngayon si Duterte upang ikampanya ang kanyang mga kandidato para sa midterm election. Ito ang kauna-unahang paglabas ni Digong sa bansa matapos ang kanyang termino. Bakit itinapat pa na nasa teritoryo ng Chinese si Duterte saka magpapalabas ng warrant.
Bagamat haka-haka pa lang ang pagpalabas ng warrant of arrest kay Duterte, marami na ang mga kaanak ng extrajudicial killings (EJKs) ang umaasa na mabibigyan ng hustisya ang pagkamatay ng kanilang mahal sa buhay.
Bakit naman kaya tikom ang bibig ni Justice Secretary Remulla sa isyu ng warrant kay Duterte gayung siya ang dapat unang nakaaalam nito. At kung may katotohanan ang balita, dapat na maghanda ang administrasyon ni President Ferdinand Marcos Jr., sa lilikhaing kaguluhan nito sa pagitan ng suporters ni Duterte at mga kritiko nito.
Samantala, habang nasa Hong Kong, nagpahayag pa si Duterte sa kanyang talumpati na mag-ambag-ambag ng P10 ang kanyang supporters para ipagpatayo siya ng monumento sa tabi ni Dr. Jose Rizal sa Luneta. Sa salitang ito, malinaw na hindi siya takot sa ICC.
Samantala, umiinit na talaga ang kampanyahan ng mga tumatakbong senador para sa May election dahil may mga kandidato na nanunuyo ng mga botante sa iba’t ibang panig ng bansa. May mga kandidatong nagpahayag na dapat nang alisin ang ayuda system dahil nagiging tamad na ang mga benepisyaryo nito. Umaasa na lamang lagi sa ayuda sa halip magtrabaho. Ang ilan sa kanila ay isinusugal at pinang-iinom ang natanggap na ayuda.
Kung aalisin ang ayuda, dapat lumikha ng trabaho ang pamahalaan upang magkaroon ng pagkakakitaan ang mga mahihirap. Ito ang dapat iprayoridad ng pamahalaan. Maraming trabahong malilikha ang pamahalaan at kabilang dito ang nasa agri sector.