DINALA sa isang emergency veterinary clinic ang isang pitong buwang gulang na Bernese Mountain Dog sa California, U.S.A., dahil sa pagsusuka at matigas na tiyan. Natuklasan na maraming laman ang kanyang sikmura na kinabibilangan ng 24 na medyas, isang onesie, mga panali sa buhok, isang shoe insert, at iba pang piraso ng tela!
Ayon sa Corona Animal Emergency Center, isinailalim sa X-ray ang asong si Luna at natuklasan ang samu’t saring bagay sa kanyang bituka. Agad siyang inoperahan ni Dr. Jenny Elwell-Gerken.
Nagulat ang buong veterinary team nang isa-isang mahugot mula sa sikmura ni Luna ang napakaraming foreign object. “Napakarami nito, parang walang katapusan ang paghugot namin ng mga gamit sa kanyang tiyan,” ani Dr. Jenny.
Kinailangan pa nilang gumamit ng sterile spoons upang masungkit ang mga bagay sa pinakaloob na bahagi ng kanyang sikmura.
Mabuti na lamang at maagap na nadala ng kanyang pamilya si Luna sa veterinary bago lumala ang sitwasyon. Ayon sa mga beterinaryo, kung naantala pa ng isang araw, malamang, nagkaroon na ng seryosong pinsala sa kanyang bituka na maaaring humantong sa impeksyon o malalang komplikasyon.
Matapos ang halos 45 minutong operasyon, matagumpay na natanggal ang lahat ng bara sa tiyan ni Luna. Agad itong bumalik sa dating sigla at ngayo’y masiglang naglalambing sa kanyang pamilya na tila walang nangyaring emergency.
Nagpaalala naman ang Corona Animal Emergency Center sa mga pet owners na bantayan ang kanilang mga alaga upang maiwasan ang ganitong insidente. “Kung mapansin ninyong nagsusuka, matamlay, o may matigas na tiyan ang inyong aso, huwag nang maghintay—dalhin agad sa beterinaryo,” ayon sa pahayag ng vet clinic.
Sa ngayon, ligtas na si Luna at balik sa pagiging masayahing aso, pero tiyak na mas mahigpit na ang pagbabantay sa kanya upang hindi na muling matukso sa pagkain ng medyas!