Ayaw nila kay Marcos, mas ayaw kay VP Sara


SAPOL — Jarius Bondoc — Pilipino Star Ngayon

October 20, 2025 | 12:00am

MAINGAT ang mga repormistang grupo na nagpoprotesta kontra katiwalian. Hindi sila sumisigaw ng “Marcos resign”. Ito’y bagama’t maraming peke at palpak na flood controls – halagang bilyun-bilyong piso – sa kasalukuyang admin.

Nagtitimpi ang mga repormista. Alam kasi nila na kung paalisin si President Bongbong Marcos, maluluklok si VP Sara Duterte.

Para sa kanila, mas malala ‘yon sa limang dahilan:

• Malala rin ang pandarambong sa flood controls nu’ng Panguluhan ni Rody Duterte. Ehemplo: Inamin ng mag-asawang Discaya na naging multi-bilyonaryo sila simula 2016.

• Maraming iba pang raket nu’ng panahong Duterte. Pinaka-malala, sinamantala ang pandemic para balatuhan ng P42.5-bilyong kontrata ang cronies. Nanguna riyan ang Pharmally ni presidential economic adviser Michael Yang, Chinese na tumiba ng P12 bilyon. Nag-supply sila ng mga peke, expired, at palpak na face masks, face shields, gamot, medical supplies, at personal protective equipment.

• Hindi maipaliwanag ni VP Sara ang P612-milyong confidential funds ng Office of the Vice President at DepEd nu’ng 2022-2024. Ibinayad sa mga hindi totoong tao: Mary Grace Piattos, Chippy McDonald, Carlos Oishi, Fernando Tempura, Xiaome Ocho, at dose-dosena pang iba.

• Ayaw ni VP Sara malitis sa impeachment tungkol sa umano’y P2.2-bilyon joint bank account nila ni Rody Duterte. Kung sabi-sabi lang ‘yon, e di ilantad niya ang bank account.

• Kung maluklok si VP Sara, magiging pro-Beijing muli ang gobyerno. Lalong lalapastanganin ng Communist China ang mga mangingisda at biyaherong Pilipino sa West Philippine Sea. Sa tatlong taon bilang VP, ni minsan hindi umangal si Sara kontra pambubusabos.

* * *

Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).