ISANG 33-anyos na babae sa Pinhalzinho, Brazil ang nag-viral matapos aminin na lagi siyang pumupunta sa mga lamay sa kanilang komunidad sa loob ng mahigit dalawang taon para lang mapansin ng isang undertaker.
Sa panayam kay Daniela Signor unang nasilayan niya ang undertaker na si Apollo Scariot, 31, habang dumadalo sa burol ng isang kamag-anak noong 2023. Mula noon, nagkaroon siya ng crush kay Apollo at gusto niyang makuha ang atensiyon nito.
Ang undertaker ay taong namamahala sa paghahanda ng labi ng namayapa, kabilang na ang pag-eembalsamo at pag-aasikaso ng burol at libing.
Tuwing ikatlong buwan, sinasadya ni Daniela na dumalo sa iba’t ibang burol sa kanilang lugar. Sa maliit na komunidad ng Pinhalzinho na may halos 3,000 residente, hindi na itinuturing na kakaiba ang pag-attend sa lamayan, dahil magkakakilala naman ang mga tao roon.
Gayunman, hindi agad napansin ni Apollo si Daniela dahil nakatutok ito sa kanyang trabaho.
Matapos ang mahigit dalawang taon ng paghanga at pagtitiyaga, napansin din ni Apollo si Daniela at nagsimula silang magkausap. Kalaunan, naging magkasintahan sila at nagtapos sa kasalan nitong nakaraang buwan.
Sa araw ng kanilang kasal, ginulat ng dalawa ang kanilang mga bisita nang dumating sila sa wedding venue sakay ng karo ng patay.
Pinaliwanag ng mag-asawa sa kanilang guests ang kuwento ng kanilang hindi pangkaraniwang pagmamahalan, kaya tinanggap at naunawaan ng lahat ang simbolikong pagpili nila ng sasakyan.
Para kina Daniela at Apollo, naging inspirasyon ang kanilang karanasan na nagpapakita na ang tunay na pag-ibig ay handang maghintay at magsakripisyo, kahit pa sa harap ng mga kakaibang sitwasyon.