February 17, 2026 | 12:00am
SA isang eksenang tila hango sa pelikula, ginulat ng isang dalaga sa Uttar Pradesh ang kanyang buong komunidad matapos itong mag-iwan ng “ebidensya” ng kanyang pagta-transform bilang ahas upang takasan ang isang arranged marriage.
Ilang araw bago ang kanyang kasal, nadiskubre ng pamilya ng bride na si Reena, ang kanyang kwarto na walang tao ngunit naroon ang kanyang damit at alahas na maayos na nakatupi sa kama. Ang nakakagimbal: katabi ng mga gamit ang isang limang talampakang balat ng ahas
Dahil dito, agad kumalat ang espekulasyon sa kanilang lugar na si Reena ay isang “icchadhari naagin”, isang nilalang sa Indian folklore na may kakayahang magpalit-anyo mula sa pagiging tao patungong ahas.
Marami sa mga residente ang naniwalang supernatural event ang naganap.
Gayunman, mabilis na binasag ng pulisya ang mga hinalang ito. Sa kanilang imbestigasyon, lumabas na sadyang planado ang insidente. Ang pag-iwan ng balat ng ahas ay bahagi ng panlilinlang ni Reena upang iligaw ang atensIyon ng taumbayan at takutin ang kanyang pamilya habang siya ay nakikipagtanan.
Napag-alaman na nais takasan ng dalaga ang arrange marriage sa lalaking hindi niya gusto. Matagal na pala siyang may lihim na boyfriend sa kanilang lugar. Sa huli, nag-post si Reena ng isang video message kasama ang kanyang tunay na minamahal (na ngayo’y asawa na niya). Nakasuot ng tradisyunal na married attire, kinumpirma niyang ligtas siya at nakiusap sa pamilya na hayaan na silang mamuhay nang tahimik.