ISANG ginang mula sa Concord, North Carolina ang kasalukuyang nagpapagaling matapos aksidenteng madikit ang kanyang kaliwang mata gamit ang nail glue na napagkamalan niyang eye drops.
Ayon sa mga doktor, posibleng abutin ng mahigit isang buwan bago muling bumukas ang kanyang mata.
Si K’netha Faggart, isang foster parent at graduate school student, ay nagtamo ng malubhang pinsala matapos ipatak ang nail glue sa kanyang mata habang tinatanggal ang contact lenses.
Agad niyang naramdaman ang matinding hapdi at pagkapaso. Sa kanyang pagtatangkang banlawan ito sa banyo, napansin niyang dumikit na rin ang kanyang daliri sa mismong mata—doon niya nalamang glue ang naipatak niya.
Dinala siya ng kanyang anak na si Ria sa ospital kung saan sinubukan ng mga nurse at espesyalista na banlawan at buksan ang mata gamit ang tubig, ngunit bigo silang tanggalin ang pandikit. Ang glue ay kumalat na sa buong eyeball.
“Ang buong talukap ko ay literal na nakadikit sa eyeball. Sabi ng doktor, gasgas na gasgas ang aking buong mata,” ayon kay K’netha. Bagamat inaasahang makakarekober siya nang buo, may posibilidad ng bahagyang pagkawala ng paningin.
Nag-viral ang insidente matapos i-post ni Ria ang video ng kanyang ina sa TikTok, na ngayon ay may higit 11 million views. Gumawa rin siya ng GoFundMe campaign upang makalikom ng pondo para sa medical fees at pang-araw-araw na gastusin, lalo’t hindi makakapasok sa trabaho ang kanyang ina bilang foster parent.
Ayon sa mga eksperto mula sa Poison Control, hindi na bago ang ganitong uri ng pagkakamali. Inirerekomenda nilang agad pumunta sa emergency room at iwasang pilitin buksan ang mata o gumamit ng kahit anong kemikal para tanggalin ang glue.
“Nakarinig ako nang maraming komento na nangyari rin ito sa kanila noon. Sabi nga ng retina specialist, naka-lima na raw siyang katulad na kaso nitong nakaraang buwan,” dagdag ni K’netha.
Bukod sa limitadong kilos, idinaraing din ni K’netha ang matinding sakit ng ulo, kawalan ng tulog at epekto ng glue sa kanyang sinuses. Bagamat balisa, nagpapasalamat siya sa suporta ng kanyang mga anak at kaibigan habang siya’y nagpapagaling.