Babaeng PDL, 30 araw lang hatol, nakulong ng 23 taon


Ludy Bermudo — Pilipino Star Ngayon

August 26, 2025 | 12:00am

MANILA, Philippines — Isang babaeng person deprived of liberty (PDL) na isa sa napalaya sa tulong ng Department of Justice (DOJ) Action Center ang natuklasang “overstaying” sa Correctional Institution of Women (CIW) sa loob ng 23 taon, sa kabila na ang hatol ng korte ay 30 araw na kulong lamang.

Ayon kay Justice Undersecretary Margarita Gutierrez, undersecretary-in-charge ng DOJ Action Center, napalaya ang babaeng convicted sa kasong murder na matapos mapatay ang umano’y rapist na umatake sa kanya, ngunit sa huli ay napatuna­yang may pananagutan lamang sa less serious physical injuries.

Gayunman, dahil sa automatic appeal sa mas mataas na korte sa kaso ng co-defendant, na­damay sa pagkabinbin ng kaso ang babae na kinailangang hintayin ang final conviction ng co-defendant bago siya mabigyan ng release order.

Sinabi pa ni Guitierrez na nasa daang elderly PDLs na mapapalaya sana sa good conduct time allowance o GCTA subalit walang mga abogadong nag-asikaso sa kanilang papeles.

Kabilang dito ang isang 70-anyos na babaeng nahatulan sa kaso ng iligal na droga na napalaya matapos ang 26 taong pagkakakulong. Hindi alam ng matanda ang gagawin kaya nag-overstay na lang sa kawalan ng abogado.

Marami rin aniyang PDLs ang overstaying na matapos abandonahin ng kanilang mg abogado.