Sa panahon ngayon, maraming gumagawa ng diskarte para lang makatipid sa gastusin. Pero isang 19-anyos na dalaga mula sa Hunan, China, ang labis na ikinagulat ng netizens matapos niyang ipakita ang kanyang tirahan: isang maliit na comfort room o kubeta sa loob mismo ng pabrikang kanyang pinagtatrabahuhan!
Sa halagang 50 yuan o katumbas ng mahigit P400 kada buwan, natutustusan ng hindi pinangalanang dalaga ang kanyang paninirahan sa maliit na dating CR ng pabrika. Ang dahilan? Hindi raw niya kayang magbayad ng normal na upa na umaabot sa 800 hanggang 1,000 yuan (P6,000-P7,000) kada buwan.
Ayon sa dalaga, galing siya sa isang mahirap na pamilya kaya maaga siyang huminto sa pag-aaral upang makatulong sa kanilang pangangailangan. Kasalukuyan siyang nagtatrabaho sa isang pabrika ng furniture at kumikita lamang ng 3,000 yuan (katumbas ng P20,000) bawat buwan.
Dahil sa mataas na halaga ng renta, nagdesisyon siyang manirahan sa isang hindi ginagamit na comfort room sa loob ng pabrika. Sa kabila ng pagiging kakaiba ng kanyang sitwasyon, tiniis niya ito upang mas maraming maipon. Pangarap niyang makabili ng sariling bahay balang araw, kaya ginagawa niya ang lahat ng paraan upang mabawasan ang gastusin.
Hindi umano nagdalawang-isip ang amo ng dalaga na pumayag sa kanyang hiling. Kahit pa nga ayaw nitong tanggapin ang halagang 50 yuan na alok niya bilang bayad sa tubig at kuryente, nagpumilit pa rin siya.
Ayon sa amo, sinubukan niyang humanap ng mas maayos na matutuluyan para sa dalaga malapit sa pabrika, ngunit masyadong mataas ang renta para sa kanyang sahod.
Minsan na rin niyang inalok ang dalaga na gamitin ang isang opisina sa pabrika bilang tirahan, ngunit mas pinili nitong manatili sa CR dahil mas may privacy ito.
Matapos mag-viral ang kanyang kuwento, maraming netizens ang nagbigay ng iba’t ibang reaksiyon. May mga humanga sa kanyang kasipagan at diskarte sa buhay, pero may ilan ding nababahala sa kanyang kalagayan.
“Napakahusay niyang magtipid, pero hindi ito ligtas para sa kanyang kalusugan. Dapat siyang bigyan ng maayos na tirahan,” komento ng isang netizen.
“Bilib ako sa kanya! Hindi siya maluho at iniisip niya ang kanyang hinaharap. Sana matulungan siya ng kanyang amo na makahanap ng mas maayos na lugar,” ayon sa isa pang komento.
Samantala, inanunsiyo ng kanyang amo na kasalukuyan niyang pinagagawa ang isang opisina sa pabrika na maaaring maging bagong tirahan ng dalaga. Umaasa siyang makalipat ito sa mas maayos na lugar sa lalong madaling panahon.
Sa kabila ng lahat, patuloy pa rin ang dalaga sa kanyang pagsusumikap at pagtitipid. Patunay na kahit gaano kahirap ang buhay, may paraan para abutin ang pangarap.