November 11, 2025 | 12:00am
Umani ng kontrobersiya sa Iraq ang mga campaign materials ng isang babaing political candidate para sa parlyamento matapos mapansin na mukha ng kanyang mister ang nakalagay sa mga ito.
Ang kandidato ay si Shayma Sami, na tumatakbo sa ilalim ng Taqadum Party sa Kirkuk. Gayunman, sa lahat ng kanyang mga poster at billboard, ang litratong ginamit ay ang kanyang mister na si Sheikh Ahmed Ibrahim. Maging ang pangangampanya ay ang kanyang asawa at mga kamag-anak ang gumagawa.
Nang tanungin tungkol dito, idinepensa ng mister ang kanilang diskarte at sinabing bahagi ito ng kanilang kultura.
“Galing kami sa isang ‘tribal background’. Hindi niya sinusubukang manalo sa pamamagitan ng paglalagay ng kanyang litrato. Mayroon siyang pangalan, tribu, at mga kamag-anak na siyang boboto para sa kanya,” paliwanag ni Ibrahim sa Rudaw English.
Ang hindi pangkaraniwang istilo ng kampanya ay binatikos naman ng mga women’s rights activists. Iginiit nila na dapat ang kandidato mismo ang nasa limelight para makuha ang boto ng mga tao, lalo’t pangalan niya ang nakasulat sa balota.
“Paano niya ipaglalaban ang aking mga karapatan at mairepresenta ang mga kababaihan kung siya mismo ay hindi niya mapakita ang sarili sa kanyang campaign posters?” sabi ni Srud Mohammed, pinuno ng Iraqi Hope Organization.
Magaganap ang Parliamentary Elections sa Iraq ngayong araw na ito (November 11) at inaabangan kung magiging epektibo ba ang kakaibang campaign strategy ni Shayna Sami.