Bagong police regional director sa Calabarzon, pumwesto na


CAMP VICENTE LIM, Laguna , Philippines — Tuluyan nang nagretiro si Police Brig. Gen. Hansel Marantan matapos na maabot nito ang retirement age na 56 nitong Hulyo 10.

Sa pagtatapos ng kanyang serbisyo sa PNP, walang naganap na turnover ceremony, sa halip ay ang “assumption of office” lang para sa naitalagang  bagong CALABARZON police director na si Brig. Gen. Dominic Baccay, kahapon ng hapon.

Dahil sa kanyang 56th birthday celebration kasama ang kanyang pamilya, no show si Marantan na dapat sana ay magsasagawa ng biglaang turnover ceremony sa covered court sa loob naturang kampo.

Si Baccay ay miyembro ng Philippine National Police Academy-Kapanalig, Class of 1997 at nakuha niya ang kanyang Master’s Degree in Management mula sa Philippine Christian University noong 2011. Hindi na siya estranghero sa rehiyon ng CALABARZON dahil siya ay nagsilbi rin bilang Provincial Director ng lalawigan ng Rizal at Deputy regional director for Operation sa CALABARZON bago siya itinalaga bilang National Capital Development Division Chief sa Logistics and Capital Region.

Ang pagtatalaga kay Baccay sa Calarazon ay matapos tanggihan ng Malacañang ang rekomendasyon na palawigin ang serbisyo ni Marantan ng isang taon.

Sa isang farewell tribute nitong Lunes, pinarangalan ng mga miyembro ng CALABARZON Police ang nagretirong si Marantan.