Sana nga, kung posible…magkaroon ng isang bantayog o monumento para sa mga tinatawag nating Bagong Bayani: ang mga overseas Filipino worker (OFW) na binawian ng buhay habang nakikipagsapalaran sa ibang bansa.
Ngayong nalalapit ang Undas, gugunitain sila ng kanilang mga mahal sa buhay. Sa Nobyembre 1 o 2, ang kanilang mga pangalan — bagaman madalas hindi kilala ng marami — ay bahagi na ng modernong kasaysayan ng Pilipinas.
Patuloy na humahaba ang listahan ng mga OFW na namamatay o napapatay sa iba-yong-dagat.
Walang opisyal na kabuuang tala kung ilan na nga ba ang namatay na OFW sa paglipas ng mga taon at dekada. Subalit ba-tay sa pinakahuling ulat ng Department of Migrant Workers (DMW) at Department of Foreign Affairs (DFA) nitong 2025, daan-daan ang namamatay taun-taon dahil sa iba’t ibang dahilan — mula sa sakit at aksidente hanggang sa karahasan, digmaan, at suicide. Sa tala ng DFA noong 2023, may 27 kaso ng foul play o tahasang pagpaslang sa mga OFW sa loob ng nakaraang dekada. Pinakamarami rito ay sa Saudi Arabia, South Africa, Kuwait, at Cyprus.
Sa Kuwait, paulit-ulit nang sinuspinde ng pamahalaan ng Pilipinas ang pagpapadala ng mga domestic helper dahil sa serye ng mga pagpatay. Kabilang dito sina Jullebee Ranara (2023), na ginahasa, binuntis, at pinatay ng anak ng kanyang amo; Joanna Demafelis (2018), na natagpuang patay sa loob ng freezer ng inabandonang apartment; at sina Constancia Dayag at Jeanelyn Villavende (kapwa 2019), na parehong pinaslang ng kanilang amo. Kamakailan lamang, nitong 2025, isa pang Pinay — si Dafnie Nacalaban — ang naiulat na pinatay sa naturang bansa.
Ngunit hindi lamang sa Gitnang Silangan nagaganap ang ganitong mga kuwento. Sa Israel, ilang Pilipinong nurse at caregiver ang namatay sa gitna ng kaguluhan ng giyera laban sa mga militante. Kabilang sa mga biktima sina Angelyn Aguirre, Loreta Alacre, at Grace Prodigo Cabrera — pawang nagbuwis ng buhay noong 2023 nang salakayin ng Hamas ang southern Israel.
Sa Hong Kong, may mga domestic helper na Pilipina ang namatay makaraang mahulog mula sa matataas na gusali habang naglilinis ng bintana. Noong 2016, si Rinnalyn Dulluog ay nahulog mula sa gusali sa Tseung Kwan O, dahilan upang ipagbawal ng gobyerno noong 2017 ang paglilinis ng bintana sa labas ng matataas na gusali ng mga kasambahay. Ngunit noong Mayo 2023, muling nasubok ang patakarang ito nang mahulog si Jonalyn Galan, 38-anyos, mula sa ika-18 palapag habang naglilinis.
Hindi rin ligtas ang mga Pilipinong mandaragat. Nitong Setyembre 29, 2025, isang Filipino seafarer ang napatay matapos salakayin ng mga rebeldeng Houthi sa Gulf of Aden ang barkong pinagtatrabahuhan niya. Patuloy ang babala ng DMW laban sa pagpapadala ng mga seafarer sa mga delikadong karagatang iyon, ngunit marami pa ring employer ang lumalabag.
Noong 1991, isang Pinay entertainer na si Maricris Sioson ang natagpuang patay sa isang ospital sa Fukushima, Japan matapos magtamo ng mga pasa at su-gat na pinaniniwalaang sanhi ng pambubugbog. Bagaman opisyal na idineklarang “hepatitis” ang ikinamatay, lumabas sa autopsy sa Pilipinas na may mga bakas ng karahasan sa kanyang katawan. Hanggang ngayon, nananatiling palaisipan kung siya’y biktima ng karahasang may kinalaman sa sindikatong Yakuza.
Noong 2011, tatlong Pilipino — sina Elizabeth Batain, Sally Ordinario-Villanueva, at Ramon Credo — ang binitay sa China dahil sa drug trafficking.
Noong Disyembre 2023, dalawang Pilipino na hindi pinangalanan ang pinaslang din sa pamamagitan ng lethal injection sa parehong bansa. Ilang Pinoy na rin ang binitay sa Gitnang Silangan, kabilang sa Saudi Arabia, dahil nakapatay ng ibang lahi o kababayan.
Pinakakilala sa lahat si Flor Contemplacion, na binitay sa Singapore noong 1995 sa kasong pagpatay sa kapwa kasambahay at sa alaga nitong bata. Ang kanyang kamatayan ang naging mitsa ng mas malawak na pagtingin sa kalagayan ng mga migranteng Pilipino.
Ayon sa datos ng DMW nitong Oktubre 2025, may 25 OFW na kasalukuyang nasa death row sa iba’t ibang bansa. Bumaba ito mula sa 50 kaso noong 2024, dulot ng reporma sa Malaysia na nagluwag sa parusang kamatayan at sa mas aktibong legal assistance ng pamahalaang Pilipino.
Gayunman, higit 1,100 kaso pa ng mga OFW ang kasalukuyang hinahawakan ng DMW — mga kasong may kinalaman sa kriminalidad, kontrata, at karahasan sa trabaho.
Ngunit habang ipinagmamalaki ng pamahalaan ang pagbaba ng bilang ng nasa death row, patuloy pa ring may nadaragdag sa listahan ng mga nasasangkot sa malulubhang kaso.
Noong Setyembre 2025, isang Pinay domestic helper sa Kuwait ang sinentensiyahang bitayin matapos mapatunayang pinatay ang alaga niyang sanggol at isinilid ito sa washing machine.
Paano pa kaya ang ibang mga kaso na posibleng hindi naire-report?
Kung itinuturing silang Bagong Bayani, hindi kaya panahon nang magkaroon ng isang dambanang magpapagunita sa kanilang pagpapakasakit — at magpapaalala sa sino man na, kahit nasaan ang OFW, may nakaambang panganib sa buhay?
Maaaring may mga argumento kung kailangan ba talagang magtayo ng dambana para sa kanila, pero bilang Bagong Bayani, hindi ba’t karapat-dapat naman?
Email- [email protected]