Bawas stress tips | Pilipino Star Ngayon


DOC WILLIE — Dr. Willie T. Ong — Pilipino Star Ngayon

February 3, 2026 | 12:00am

NARITO ang mga payo ng psychologists at psychiatrists para mabawasan ang stress.

1. Isulat ang mga saloobin — Hindi kailangang sumulat ng mahaba. Kahit 5-10 minuto sa isang araw upang isulat ang mga saloobin, damdamin at mga ideya. Gawin ito sa isang pribadong lugar. Malaking tulong ito mabawasan ang stress at malinawan ang isipan.

2. Kapag sobrang stress at naluluha, hanapan ito ng positibong paraan – Ang sobrang stress ay hindi kailangang maging negatibo maaari itong maging isang positibong hamon.

3. Magplano ng paglalakad sa bawat araw — Ang regular na ehersisyo ay mahalaga para sa isip. Ang dahan-dahang paglalakad ay maaaring makapawi sa stress at maging maayos ang inisip.

4. Labanan ang negatibong saloobin — Ang mga negatibong saloobin ay bahagi lamang ng buhay. Sa halip na balewalain ang mga salitang iyon, subukan itong labanan o hanapan ng posi­tibong pahayag.

5. Gumawa ng listahan ng mga taong malalapit sa iyo — Ito ang mga taong kilala mo na maaaring tawagan, i-text, o i-email.

6. Kapag natigil sa isang negatibong pag-iisip, isulat ang dalawang magagandang bagay — Isipin ang mga positibong bagay sa buhay sa sandaling ito. Puwede ang isang bagay na nagdudulot ng kagalakan, isang bagay na ipinagmamalaki at isang taong nagmamahal sa iyo. Makatutulong ito sa pag-alis ng iyong pagkadismaya.

7. Gawin ang nagpapasaya sa iyo — Ang bawat tao’y may ilang mga bagay na nagpapasaya sa kanya. Minsan nakukuha ito sa pagligo, paggawa ng hobbies o panonood ng video sa Youtube.