Bebot pinasok, pinatay sa bahay


MANILA, Philippines — Patay ang isang 23-anyos na babae nang pasukin ang bahay at barilin ng ‘di pa kilalang lalaki habang nakikipag­tsikahan sa mga kaibigan, sa Antipolo City, Linggo ng gabi.

Dead-on-the-spot ang biktimang si alyas “Erika”, 23, ng Brgy. Cupang, Antipolo City. 

Sa ulat ng Antipolo City Component Police Station, dakong alas-9:00 ng gabi nang maganap ang insidente sa tinutuluyang apartment ng biktima. 

Habang nakiki­pagkwentuhan sa mga kaibigan sa loob ng kanyang unit apartment ang biktima nang may malakas na tadyak sa pintuan at bumulaga ang pagpasok ng gunman at walang sabi-sabing pinagbabaril ang biktima. 

Tumakas ang suspek at iniwang nakabulagta na ang biktima.