November 4, 2025 | 12:00am
“OO nga po, Tandang Santo,” sabi naman ni Apol para patotohanan ang mga sinabi ni Guava tungkol sa dalagita. “Sa katunayan po, ilang beses na nagtungo sa bahay ko ang dalagita. Naaktuhan ko po siyang kumukuha ng bayabas sa loob ng aking bakuran.”
Nag-isip at napatangu-tango si Tandang Santo sa mga sinabi ni Apol.
“Ang nakapagtataka po, iniwan niya ang dilaw na tsinelas sa aking bakuran. Ang tsinelas na iyon ayon kay Guava ay ang ibinigay sa kanya ng babae nung 13-anyos siya.”
Muling napatangu-tango si Tandang Santo sa mga sinabi ni Apol. Pagkatapos ay tumingin kay Guava. Saka malalim na nag-isip.
Nakatingin sina Apol at Guava sa matanda.
Maya-maya, may sinabi si Apol kay Tandang Santo.
“Maidagdag ko lang po, Tandang Santo, pagkatapos kong mahuli ang dalagita na kumukuha ng bayabas sa aking bakuran, saka ko naman nakita si Guava sa Ayala Avenue sa Makati. First time kong nakita si Guava at labis akong nagtaka sapagkat kamukha niya ang dalagita. Mula noon, inasam ko nang makita at makilala nang lubusan si Guava.”
Nakikinig lamang si Tandang Santo.
“Hanggang magkakilala nga kami ni Guava. Nag-rent siya sa pinauupahan kong room sa Makati. Hanggang sa maging magkasintahan kami.”
Napangiti si Tandang Santo.
Nagtanong si Guava.
“Ano po ang kaugnayan ng dalagita sa babae na aking napanaginipan, Tandang Santo?”
“Iisa sila!”
Hindi makapaniwala sina Apol at Guava.
“Ang babae na napaginipan mo ay nagbalatkayong dalagita.”
(Itutuloy)