Bubot na Bayabas (116) | Pilipino Star Ngayon


Ronnie M. Halos — Pilipino Star Ngayon

November 11, 2025 | 12:00am

Ikinuwento ni Guava kay Apol na bago pala ito regaluhan ng tsinelas ng babae noong 13-anyos siya, may isang pang­yayari na naligaw siya ng daan habang pauwi sa kanilang bahay.

Galing umano sa school si Guava. Tang­ha­ling tapat noon. Nilalakad lamang niya ang kanilang bahay dahil malapit lamang ito sa school. Mga sampung minuto raw niyang nilalakad, ayon kay Guava.

Pero nagtaka raw siya dahil ibang landas ang dinaanan niya.

“Lakad ako nang lakad. Pero wala akong narara­ting. Pakiramdam ko, ikut ako nang ikot. Pabalik-balik lang ako.”

“Ano ang dinaraanan mo?” tanong ni Apol na nag­tataka dahil mayroon pa palang ganung karanasan si Guava.

“Sa kalsada.”

“Bakit hindi ka nagta­nong sa mga nakasalubong mo?”

“Walang tao sa kalsada. Ako lang ang naroon ng mga sandaling ‘yun.”

“Anong ginawa mo?”

“Nagpatuloy ako sa pag­lalakad.”

“Pagkatapos anong nang­yari?”

“Nang mapagod ako sa paglalakad, naupo ako at sumandal sa pader.”

“Paano nagkaroon ng pader?”

“Nagtataka nga ako kung bakit.”

“Anong sumunod na nangyari?”

“May narinig akong usapan habang nakasandal sa pader. At alam mo ang narinig kong boses?”

“Kanino?”

“Kay Papa at Mama. Nag-uusap sila. At ‘yung sina­sandalan kong pader, sa amin pala ‘yun!”

“Anong nangyari?”

“Sumigaw ako. Tina­wag ko sina Papa at Mama. Gulat na gulat­ sila nang makita ako na nakasandal sa pader. Ano raw ang ginagawa ko roon? Kanina pa raw nila ako hinihintay. Sabi ko naligaw ako.”

Hindi sila makapaniwala.

(Itutuloy)