Bubot na Bayabas (138) | Pilipino Star Ngayon


Ronnie M. Halos — Pilipino Star Ngayon

December 3, 2025 | 12:00am

NAGULAT at hindi inaasahan ni Apol ang sinabi ni Guava habang kausap ito sa cell phone. Nakatayo raw sa may gate ang dalagita na kamukha niya.

“Sigurado ka Guava?”

“Oo. Naroon pa siya hanggang ngayon, Apol. Nakikita ko siya habang nakikipag-usap ako sa iyo.”

“Anong suot niya, Guava?”

“Parang uniporme sa high school.”

“Suot estudyante?”

“Oo pero halatang kupas na ang uniporme —luma na.”

Kinilabutan si Apol.

“Anong ginagawa niya sa may gate?”

“Nakatayo lang siya.”

“Saan siya nakaharap?”

“Nakaharap sa gate. Kaya nga kitang-kita ko ang mukha niya—kamukha ko nga siya. Parang ako noong 13-anyos. Pati ang ayos ng kanyang buhok ay katulad na katulad sa ayos ko. Para kaming pinagbiyak.”

“Hindi mo matandaan kung ang suot na uniporme ay tulad ng uniporme mo noon?”

“Hindi ko matandaan kasi kupas na kupas ang suot ng dalagita. O baka nasisilaw lang ako sa araw.”

“Wala siyang ginagawa hanggang ngayon?”

“Wala. Nakatayo lang siya.”

Hanggang may maalala si Apol.

“May sapin ba siya sa paa?”

“Wala!”

“Walang sapatos o kaya’y tsinelas?”

“Wala!”

Itutuloy