August 15, 2025 | 12:00am
Sumunod na linggo, ipinagawa ni Apol ang bahay ng kanyang Ate Ginger. Pinalagyan niya ng limang pinto. Hinati-hati hanggang sa maging limang malalaking kuwarto. Hindi nasira ang desenyo ng bahay. Ang tanging pinagawa niya ay nilagyan ng tig-iisang banyo at toilet bawat kuwarto. Mahalaga ang sariling banyo at toilet sa mga uupa.
Makalipas ang dalawang-buwan, tapos na tapos na ang limang pinto. Maayos ang pagkakagawa. Pinapinturahan niya. Matapos pinturahan, parang brand new ang mga kuwarto.
Habang pinagmamasdan ang mga kuwarto, biglang may naisip si Apol: pawang babae ang patitirahin niya. Mga babaing empleyada. Mas mahirap kung may pamilya ang uupa. Kapag may mga bata, masisira agad ang kuwarto.
Sabi ng kanyang Ate Ginger, maraming uupa dahil malapit lang ang Bgy. Poblacion sa Buendia, Makati Avenue at Ayala Avenue na maraming working girls. One ride lang sa dyipni ang mga nabanggit na lugar.
Pauupahan niya ng P10k bawat pinto. Puwede na siguro. Malaki naman ang kuwarto at may second floor pa bukod sa may sariling banyo at toilet.
Sumunod na linggo, naglagay siya ng karatula. ROOM FOR RENT. LADIES ONLY.
(Itutuloy)