BUBOT na BAYABAS (35) | Pilipino Star Ngayon


Ronnie M. Halos — Pilipino Star Ngayon

August 20, 2025 | 12:00am

SAGLIT na natigilan si Apol nang makita ang babaing nag-i-inquire para mag-rent ng room. Hindi niya malilimutan ang mukha ng babae. Ito ang nakasalubong niya sa Ayala Avenue, mga anim na buwan na ang nakararaan. Ito ang babaing kamukha ng dalagitang nagnanakaw ng bayabas sa kanyang baku­ran. Hindi siya maaring mag­kamali.

“Ikaw ang nakasalubong ko noon?”

Gulat na gulat ang babae. Napatingin nang walang kurap kay Apol at nag-iisip.

“Nakasalubong kita sa Ayala Avenue. Pero hindi mo ako napansin dahil nag­mamadali ka.”

“Ha? A e, hindi ko alam,’’ sabi ng babae.

“Pero sa Ayala Avenue ang work mo?”

“Oo. Along Ayala Ave­nue malapit sa Rufino Building,’’ sabi ng babae.

“Tama ikaw nga ‘yun!”

“Pero ngayon lang kita nakita,” sabi ng babae na batbat pa rin sa mukha ang pagtataka,

“Nagkita na tayo bago pa ang pagka­kita ko sa’yo sa Ayala. Hindi ko nga lang matandaan kung saan.”

Nag-isip ang babae. Ina­­alala kung may pangyayari na nagkita na sila ni Apol.

“Sorry, wala talaga akong matandaan.”

“Ako rin, hindi ko matandaan kung saan tayo nagkita—pero nagkita na tayo.”

Napangiti na lang ang babae sa sinabi ni Apol.

“E ano nga pala ang name mo? At desidido ka na bang tumira rito?”

“Guava ang name ko —Maria Guava. Oo desi­dido akong tumira rito.”

Hindi makapaniwala si Apol—Guava ang name ng babae!

Itutuloy