September 13, 2025 | 12:00am
HABANG nakaupo sa salas, hawak ni Apol ang pares ng tsinelas. Sinuri-suri niya.
Walang pangalan o brand. Wala ring size. Mabigat kaysa karaniwang tsinelas. Ibang klase ang rubber na ginamit at mas makapal kaysa mga tsinelas na binibenta sa mercado. Maski sa online ay wala marahil ganitong klase ng tsinelas.
Ang ipinagtaka pa ni Apol, ang kulay nitong ginto ay maipagkakamaling tunay na ginto. Ngayon lang siya nakakita ng ganitong tsinelas. Maski ang mga mamahalin at branded na tsinelas sipit ay walang ganito. May kaparehong kulay pero hindi ganito kaganda. Napakapulido ng pagkakagawa.
Sinaliksik niyang mabuti ang tsinelas at baka makakita siya ng pagkakakilanlan.
Pero lahat nang kasuluk-sulukan ay nasaliksik na niya pero wala talaga siyang makita kung saan ito ginawa.
Nakapagtataka talaga kung saan ginawa ito.
Imported kaya ito?
Saan kayang bansa nagmula?
Nang magsawa si Apol sa kasasaliksik sa tsinelas ay muli itong ibinalot sa plastic na supot at saka itinago sa cabinet.
Iingatan niya ang tsinelas.
Malaki ang paniwala niya na isang araw ay darating ang dalagita at kukunin ang tsinelas.Pero kailan kaya iyon?
Tuwing aalis ng bahay si Apol ay dumadaan siya sa sari-sari store ni Manang sa kanto.
“Magandang umaga Manang!”
“Magandang umaga Apol.”
“Balitaan mo ako Manang kapag dumating ang misteryosang dalagita. Bakasakali ay may malaman tayo sa kanya.”
“Basta ikaw Apol.”
“Kapag engkantada po ang dalagita, malaking balita ito. Baka siya po amg magpayaman sa akin at pati ikaw Manang, yayaman din.”
“Sana mangyari ang sinabi mo Apol para itong sari-sari store ko e gagawin kong grocery.”
“Mangayayari ‘yan Manang.”
“Salamat Apol.”
“Sige po Manang.”
(Itutuloy)