September 19, 2025 | 12:00am
“KAPAREHUNG-KAPAREHO nga ng tsinelas mong suot itong tsinelas na nakita ko sa bakuran, Guava. Anong kababalaghan ito?” tanong ni Apol na punumpuno ng pagtataka.
“Eto nga ang tsinelas na ‘yun, Apol—hindi ako maaaring magkamali.”
“Pero paano nawala sa iyo ang tsinelas?”
“Basta nawala na lang Apol. Paggising ko ng umaga, wala na.”
“Kailan nawala?”
“Nung 13-anyos ako.”
“Anong sabi ng papa at mama mo?”
“Sila man ay nagtataka. Pero sabi ni Papa, huwag ko na raw masyadong isipin at ibibili na lang daw ako ng bago. Pero walang mabili si Papa ng ganung klase ng tsinelas.
Mayroon siyang nabili pero masakit sa paa. Nagsugat ang paa ko.”
“Teka saan ba galing ang tsinelas? Sabi mo may nagregalo sa iyo?”
“Oo.”
“Sinong nagregalo?”
“Isang babae. Lumabas ako sa school nun at bigla akong nilapitan at saka iniabot ang tsinelas. Regalo raw niya sa akin. Natutuwa raw siya sa akin. Hindi ako nakapagsalita. Para bang nahipnotismo ako.”
“Anong nangyari pagkatapos?”
“Nakatingin lamang ako sa babae. Maganda siya. Ang mga mata ay nangungusap.” (Itutuloy)