Bubot na Bayabas (86) | Pilipino Star Ngayon


Ronnie M. Halos — Pilipino Star Ngayon

October 11, 2025 | 12:00am

Nang maluto ang aroskaldo, ginising muli niya si Guava para pakainin. Ka­ilangang may laman ang sikmura bago niya painumin muli ng gamot.

“Kumain ka kahit ka­unti, Guava. Kahit sabaw lang—saka ka iinom ng gamot. Mabuti ang aros­kaldo sa maysakit.”

Sinubuan ni Apol ang dalaga.

Nakailang subo lang ng aroskaldo si Guava.

“Nasusuka ako Apol—baka isuka ko lang.”

“Mamayang kaunti, uminom ka ng gamot.”

Tumango si Guava.

“Bukas kapag hindi pa bumuti ang lagay mo, dadalhin na kita sa ospital. Ma­bu­ting matingnan ka na ng doktor.”

Tu­mango si Guava.

“Masakit pa rin ang katawan mo?”

“Oo—pati ulo.”

“Hindi nababawasan?”

“Oo—parang binibiyak ang ulo ko.”

“Gusto mong uminom ng tubig? Mahusay daw ang tubig kapag may lagnat.”

“Nasusuka ako, Apol.”

“Paano ka iinom ng gamot?”

“Pipilitin ko.”

Kumuha ng tubig at gamot si Apol.

Ininom ni Guava ang gamot.

“Sige matulog ka na Guava. Bukas kapag may lagnat ka pa dadalhin kita sa ospital.”

KINABUKASAN, may lagnat pa rin si Guava.

Pero sa halip magpa­dala sa ospital, iba ang hiniling nito kay Apol.

“Ipaglaga mo ako ng dahon ng bayabas, Apol.”

“Bakit?” (Itutuloy)