October 22, 2025 | 12:00am
NANG pumasok sa bahay si Apol, pakiramdam niya, may mga matang nakatingin sa kanya. Pero hindi siya natatakot o kinikilabutan man lang. Naalala niya ang sinabi ni Guava na mayroon daw siyang “kasama” rito sa bahay. May third eye si Guava. Hindi naman sinabi ni Guava kung sino ang kasama niya sa bahay.
Naupo sa sopa si Apol.
Ang “dalagita” kaya na nahuli niyang kumukuha ng bayabas ang nakita ni Guava?
Kung ang dalagita ang nakita, sana sinabi na ito ni Guava sa kanya.
O baka naman ang babaing napanaginipan ni Guava ang narito sa bahay?
Napasubsob sa kanyang mga palad si Apol.
Maraming misteryo na nangyayari pero itong nangyayari kay Guava ay lubhang kamangha-mangha.
Paano niya matutulungan si Guava na malutas ang mga kababalaghang nangyayari?
Mayroon kayang tao na maaaring kunsultahin para malaman kung sino ang babaing nagpakita sa panaginip ni Guava?
Ang babae ring ‘yun ang nagbigay ng tsinelas kay Guava noong 13-anyos ito. At mula noon, ngayon lang muli nagpakita at sa panaginip pa.
Maghahanap siya ng tao na maaring kunsultahin kung paano malalaman ang pagkatao ng babaing napanaginipan ni Guava.
Kahit magbayad siya—basta malaman lang nila kung sino ang babae at bakit si Guava ang napili nitong pagpakitaan at bigyan ng tsinelas.
Naisip ni Apol na maghanap sa Quiapo ng taong makakatulong sa kanya. Bakasakali, may makita at matulungan siya.
Itutuloy