October 24, 2025 | 12:00am
“HUWAG na nating problemahin ang nangyayari sa akin, Apol,’’ sabi ni Guava pagkaraan.
“Anong ibig mong sabihin?”
“Huwag nang i-interpret ang napanaginipan kong babae.”
“Pero nag-aalala ako Guava na ang pagpapakita sa iyo ng babae ay may kahulugan—may gusto siyang ipahiwatig.”
“Wala namang masama sa napanaginipan ko di ba? Nakabuti pa nga dahil gumaling ang sakit ko matapos uminom ng pinakuluang dahon ng bayabas. Wala tayong dapat ipag-alala sa palagay ko, Apol.”
“Masama ang kutob ko, Guava. Baka may ibig sabihin kaya nagpakita sa panaginip ang babae. Gusto kong maghanap ng dream interpreter. Gusto kong malaman ang kahulugan ng napanaginipan mo.”
“Pero saan ka nga maghahanap?”
“Akong bahala, Guava. Basta maghahanap ako.”
“Huwag sa Quiapo—baka malinlang ka roon.”
Tumango si Apol.
Maya-maya may sinabi si Apol.
“Isa pang dahilan kaya ko gustong ipa-interpret ang napanagnipan mo, itatanong ko na rin ang tungkol sa ‘mahiwagang dalagita’. Palagay ko may kaugnayan ang dalagita sa babaing napanaginipan mo.”
Itutuloy