January 3, 2026 | 12:00am
AYON sa Department of Health (DOH), bumaba ang bilang ng mga nasugatan sa paputok sa pagsalubong sa Bagong Taon 2026. Nasa 42 percent lamang umano ang naitatala nilang nasugatan.
Kung totoo ang report ng DOH na super baba ang naging biktima ng paputok, indikasyon na natututo na ang mga Pinoy sa wastong paggamit ng firecrackers.
Siguro ay natakot na sila sa posters ng DOH na nakadispley ang mga kagamitan gaya ng lagari na pamputol ng mga buto at daliri at iba pang matatalas na gamit.
Super higpit din ang paggalugad ng mga tauhan ni Acting PNP chief General Jose Melencio Nartatez Jr. sa mga tindahan ng illegal na paputok. Sinalakay din ang nagbebenta ng paputok online at maraming nahuli. Sasampahan ng kaso ang mga nahuli at malamang makukulong sila.
Samantala, marami ang nagpaputok ng baril noong bisperas ng Bagong Taon. Kinati ang daliri sa gatilyo na isinabay sa putukan ng firecrakers. Kaya’t hindi lamang mga biktima ng firecrackers ang kinakalap ngayon mga tauhan ni Nartatez kundi ang mga nagpaputok ng baril.
Nalaman ko, may mga biktima ng stray bullet sa ilang lugar na hindi pa natutukoy ng pulisya. Dapat putulan ng kamay ang mga nagpaputok ng baril para hindi na sila makapambiktima ng mga inosenteng mamamayan. Kung makalulusot sila sa kamay ng batas tiyak na uulit at uulit na magpapaputok at maraming mamamatay.
Hindi dapat magkampante si Nartatez sa paghabol sa mga nagpaputok ng baril. Pakilusin niya ang lahat ng mga pulis upang tutukan ang mga nag-iingat ng loose firearms. Kung tutulug-tulog ang PNP sa pansitan, marami sa mamamayan ang manganganib ang kinabukasan. Maligayang Bagong Taon sa inyong lahat!