Calinisan, na-peke sa shoe ni lady general Medina!


DIPUGA — Non Alquitran — Pilipino Star Ngayon

January 15, 2026 | 12:00am

Mukhang napeke si Napolcom Vice chairman Rafael Vicente Calinisan tungkol sa akusasyon niya laban kay ex-PNP general Jezebel Imelda Medina. Ang tanong sa ngayon ng mga kosa ko sa Camp Crame, bakit sini-single out ni Calinisan si Medina?

Kinasuhan kasi ni Calinisan si Medina, na dating chief ng PNP Health Service, dahil sa pagsuot nito ng sapatos na nagkakahalagang P70,599 ng sapatos at hindi pagsumite ng report tungkol sa QCPD police blogger.

Si Medina ay kinasuhan ng less grave neglect of duty and conduct unbecoming of a police officer at kung mamalasin ay hindi makakuha ng kanyang milyones na benefits. Araguyyyy!

Hamakin mo, halos 34 years sa police service si Medina, ang kauna-unahang Igorot na naging police general, at ang lahat ng pinaghirapan niya ay mapupunta lang sa wala? Purbidang yawaahhh! Saan ang hustisya? Hehehe! Ambot sa kanding nga may bangs!

Kinasuhan ni Calinisan si Medina noong December 23, o halos dalawang araw bago siya mag-selebra ng kanyang 56th birthday o retirement age na. Dahil holiday ang 24th ng December, parang hindi na narebisa ng Napolcom ang sagot ni Medina sa akusasyon tungkol sa nagkakahalaga ng P70,599 na sapatos n’ya.

Binigyan kasi ng Napolcom ng memo si Medina noong December 16 upang mag-explain sa “extravagant” niyang sapatos at bandang 9:00 ng umaga noong December 23 niya ipinasa ang sagot. Tapos kinahapunan kinasuhan na si Medina. Dipugaaa!

Nagtagumpay naman si Calinisan kung ano ang motibo n’ya sa pagkaso kay Medina dahil nag-viral itong isyu ng ma­mahaling sapatos. Sikat pa si Calinisan dahil dito. Kaya lang, saan ang due process? ‘Yan ang tanong! Hehehe! Ang sakit sa bangs nito!

Ayaw na sana patulan ng kampo ni Medina ang akusas­yon ni Calinisan dahil wala namang katotohanan ito. Kaya lang nagagalit kay Medina ang kanyang mga kapamilya sa Mt. Province sabay sabing ang katahimikan ay nangangahulugang guilty siya. Sanamagan!

Kaya ipinadala ni Medina sa Dipuga ang mga papeles tungkol sa sapatos niya na hindi naman P70,599 ang presyo kundi mahigit P2,000 lang. ‘Ika nga, walang tatak itong sapatos ni Medina, na inorder niya online. Kung susumahin, peke ang sapatos ni Medina. Kalakip sa papeles, hindi lang ang presyo kundi ang resibo sa binayaran ni Medina. Na-wow mali si Calinisan? Grrrrr! Nauna kasi ang putak kaysa mag-imbestiga, di ba mga kosa? Hehehe! Kanya-kanyang gimik lang ‘yan!

Kasama sa papeles ni Medina ang memo na pinamagatang “interim use on the Proposed Standards of PNP Patrol Shoes” na pirmado ni CIDG director Maj. Gen. Robert Morico II, noong nasa DRD pa s’ya.  Sinabi sa memo na puwedeng magsuot ang pulis ng “all black shoes on the interim basis” sabay sa existing PNP Patrol shoes hanggang hindi na magamit ito.

Ito pa ang mga parameters: all-black, mid-cut or low cut, with tongue and shoelace, with minimum of 4 sets of holes/eyelets, with black sole, at body is made of canvass, leather, nylon, cotton or combination, except for wet look material. Hayan mga kosa! Pasok diyan ang sapatos ni Medina na kinukuwestiyon ni Calinisan. Ganun na nga! Hehehe! Kailangan pa bang i-memorize ‘yan?

Kung itong sapatos ni Medina ay pinag-initan niya, bakit hindi habulin ni Calinisan ang mga pulis na nagda-drive ng luxury cars at motorsiklo? Mismooo! Ang babaing si Medina lang ba ang kaya niya? Abangan!