Cashless toll collection sa Marso 15, sinuspinde


February 22, 2025 | 12:00am

MANILA, Philippines — Hindi muna matutuloy ang full implementation ng cashless o contactless toll collection na itinakda sanang ipatupad sa Marso 15.

Sa isang pulong balitaan, kinumpirma ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Vince Dizon na ipinag-utos na niya sa Toll Regulatory Board (TRB) ang suspensiyon ng cashless toll collection dahil hindi pa aniya ito napapanahon.

Ayon kay Dizon, natatandaan pa niya kung paano nagkabuhul-buhol ang daloy ng trapiko sa mga toll gate noong unang subukan itong ipatupad.

Plano rin ni Dizon na kausapin muna ang mga toll operators ng North Luzon Expressway (NLEX) at South Luzon Expressway (SLEX) upang alamin kung mabisa na ba at episyente ang sistema ng mga ito.

Nagpahayag din ng paniniwala si Dizon na hindi lahat ng dumaraan sa expressway ay may kakayahang mag-load ng libu-libong piso kaya pag-aaralan muna nila kung ano ang magagawang remedyo para rito.

Nauunawaan aniya ng kalihim ang pangangailangan na ma-regulate ang pagdaan sa expressway subalit hindi kailangang pahirapan pa ang publiko.

Nilinaw pa ni Dizon na nagpadala na siya ng abiso sa toll operators na hindi niya ipapatupad ang cashless transaction simula sa Marso 15, 2025 hanggang sa mga susunod na araw.