Pilipino Star Ngayon
February 23, 2025 | 12:00am
Sa tala ng Department of Health (DOH), nangunguna ang Calabarzon, National Capital Region at Central Luzon sa maraming kaso ng dengue. Mula Enero 1 hanggang Pebrero 14, naitala ang 43,732 na kaso ng dengue. Mataas ito kaysa mga kaso noong nakaraang taon sa parehong buwan, 27,995. Karaniwang mga nabibiktima ng dengue ay mga bata na nasa edad lima hanggang 14.
Noong nakaraang linggo, nagdeklara ng dengue outbreak ang Quezon City nang lumobo ang kaso. Pinakilos ni Quezon City Mayor ang lahat ng tanggapan para matulungan ang mga apektadong residente. Lahat ng QC Health Centers ay bukas tuwing Sabado at Linggo. Naglatag din ng fever express lane sa lahat ng city’s health centers at hospitals upang magamot ang QCitizens na may dengue.
Ang pagpuksa sa mga lamok na nagdadala ng dengue ang pinagtutuunan ng pansin ngayon. Kung mapupuksa ang mga lamok, wala nang magdudulot ng dengue. Gaya ng ginagawa ng isang barangay sa Mandaluyong City na nag-alok ng P1 sa bawat lamok na mahuhuli o mapapatay. Ayon sa mga opisyal ng Bgy. Addition Hills, tinawag nila ang kampanya na “May Piso sa Mosquito.” Dalhin daw ang mga napatay o nahuling lamok sa barangay hall mula Lunes hanggang Biyernes at matatanggap ang bayad sa mga ito.
Maganda ang naisip na ito at makatutulong para malipol ang mga lamok. Pero mas epektibo pa rin ang tulung-tulong na paglilinis sa kapaligiran para mapuksa ang mga lamok. Kadalasang nasa mga kanal o estero na hindi umaagos nangingitlog ang mga lamok. Dapat itong linisin.
Naninirahan din sa mga basyong bote, lata, gulong, mga damit na nakasampay at mga halamang malalago. Itapon ang mga basura at hawanin ang mga damo sa paligid ng bahay.
Ang dengue ay galing sa lamok na Aedes Aegypti. Madaling makilala ang lamok na ito dahil sa guhit na puti at itim sa katawan. Sa araw nangangagat ang lamok na ito. Sintomas ng dengue ang mataas na lagnat na tumatagal ng isang linggo, pananakit ng ulo at mga kasu-kasuan, pagkakaroon ng rashes, at ang ihi ay kulay kape.
Ipinapayo ng DOH na kapag nakaranas ng ganitong mga sintomas, kumunsulta agad sa doktor. Ipinapayo na pagsuutin ng padyama ang mga bata para may proteksiyon sa lamok. Ipinapayo rin ang paggamit ng kulambo at ang 4s strategy. Ang 4s ay: search and destroy breeding places, secure self-protection, seek early consultation at support fogging or spraying in hotspot areas.
Magtulung-tulong ang lahat para mapuksa ang mga lamok. Kalinisan ang susi para hindi mabuhay ang mga lamok na nagdadala ng dengue.
