October 6, 2025 | 12:00am
MATAPOS ang 6.9 magnitude na lindol sa Cebu, muling binanatan ni Surigao del Sur 1st District Rep. Romeo “Momo” Momo Sr. ang matagal nang kabulukan sa sistema ng ating batas sa pagtatayo ng gusali. Diretso at walang paliguy-ligoy ang panawagan niya “Hangga’t hindi natin naayos ang batas. tao ang nadudurog sa ilalim ng guho!”
Muling ipinanawagan ni Momo ang agarang pagpasa ng Philippine Building Act (PBA) ang bagong bersyon ng National Building Code na ilang dekada nang nakasabit sa Kongreso. Aniya, kung patuloy na patutulugin ng mga nasa kapangyarihan ang panukalang ito, mas marami pang buhay at ari-ariang masasayang sa bawat lindol, sunog, o bagyo.
Ang magnitude 6.9 na lindol noong Setyembre 30 ay nag-iwan ng mga sirang gusali, mga pamilyang lumikas, at muling nagbukas ng tanong: Ligtas pa ba talaga ang mga gusali natin? Sa kasalukuyan, ang umiiral na Building Code ay huling inayos pa noong 1977 panahong hindi pa uso ang cellphone, GPS, o modernong hazard mapping.
“Paano natin masasabing ligtas tayo kung batas pa noong panahon ng disco ang basehan ng ating mga gusali?” dagdag pa ni Momo. Ang panukalang Philippine Building Act (PBA) ay naipasa na sa ikatlo at huling pagbasa sa 19th Congress, ngunit hindi umusad sa Senado.
Ngayong muling inihain ni Momo, umaasa siyang hindi na ito tuluyang malibing sa komite. Layunin ng panukala na, i-standardize ang disenyo, lokasyon, at materyales ng mga gusali;. Gawing obligadong i-review ang structural integrity ng mga gusali bawat 15 taon. At magtakda ng mahigpit na safety measures laban sa lindol, baha, at iba pang kalamidad.
“Hindi puwedeng tuwing may trahedya , saka lang tayo kikilos! Hindi tayo pupuwedeng lagi tayong post disaster hero. Dapat prevention heroes tayo,” birada ni Momo. Dagdag niya, utang ng gobyerno sa taong-bayan ang katiyakang ligtas ang mga gusaling tinitirhan, pinagtatrabahuhan, at pinapasukan ng mga bata araw-araw. “Hindi puwedeng puro meeting, puro paliwanag. Gawa, hindi daldal, ang kailangan sa panahon ng kalamidad,” ani Momo.
DISKLAYMER: Ang press release na ito ay pormal na pahayag ni Rep. Romeo Momo Sr. at batay sa aktwal na panawagan at mga dokumentong inihain sa Kongreso. Wala itong layuning manira ng sinuman, kundi manindigan para sa kaligtasan at kapakanan ng sambayanang Pilipino.Kung may mga natatamaan, baka panahon na para suriin kung bakit. Sa panahong ginagawang normal ang kapabayaan, ang pagtahimik ay mas kasalanan kaysa sa pag-angat ng boses.
Hindi ito pulitika,ito ay panawagan ng konsensya.