ZUS Coffee at Akari magkakasubukan


Russell Cadayona — Pilipino Star Ngayon

October 7, 2025 | 12:00am

MANILA, Philippines — Magpapakitang-gilas ang mga imports ng ZUS Coffee at Akari sa pagsisimula ng ngayon ng 2025 Premier Volleyball League (PVL) Reinforced Confe­rence sa Ynares Center, Montalban, Rizal.

Nakatakda ang pagtutuos ng Thunderbelles at Chagers sa alas-4 ng ha­pon kasunod ang banggaan ng Choco Mucho Flying Titans at Capital1 So­lar Spikers sa alas-6:30 ng gabi.

Isasalang ng ZUS Coffee si American import Anna DeBeer, produkto ng University of Louisville at naglaro para sa Indy Ignite sa Major Volleyball League.

Makakatuwang ng 5-foot-11 outside hitter sina Thea Gagate, Jovelyn Gon­zaga, Chinnie Arroyo, Ri­za Nogales at super roo­kie Alexis Miner.

Tumapos ang tropa ni coach Jerry Yee sa se­venth place sa nakaraang PVL On Tour at kulelat sa In­vitationals.

Itatapat naman ng Akari si American import Annie Mitchem.

Huling naglaro ang da­ting University of Hawaii spi­ker para sa Jakarta Livin Mandiri matapos kumampanya sa Italy, Turkey at Bra­zil.

Makakatulong ni Mitchem sa Chargers sina Ivy Lacsina, Gretchel Soltones, Eli Soyud, Faith Nisperos, Ced Domingo at Fifi Sharma.

Sa iklawang laro, isasalang ng Solar Spi­kers si Ukranian import Oleksandra Bytsenko koontra kay American Anyse Smith ng Flying Titans.

Ito ang magiging PVL debut ni Bytsenko para sa Capital1 na magtatampok din kina No. 1 overall pick Bela Belen at Brazilian coach Jorge Souza De Brito ng Alas Pilipinas.

Naglaro ang 29-anyos na outside hitter para sa Aranmare Ya­magata sa Japan SV.League at kumampanya sa mga liga sa China, Turkey, Indonesia, France at Ukraine.

Ito ang ikala­wang pagkakataon na maglalaro si Smith sa Pinas matapos isuot ang uniporme ng Nakhon Ratchasima QminC VC sa 2025 AVC Champions League sa Phil­Sports Arena.