Chiz kinudeta, Sotto pasok na Senate prexy


Malou Escudero — Pilipino Star Ngayon

September 9, 2025 | 12:00am

MANILA, Philippines — Iniluklok kahapon bilang bagong lider ng Senado si Senate President Vicente “Tito” Sotto III matapos ang kudeta laban kay Sen. Francis “Chiz” Escudero.

Labinlimang (15) senador ang sumuporta sa liderato ni Sotto.

Pinalitan si Escudero bilang lider ng Senado 15 buwan lamang matapos niyang mapatalsik ang dating Senate president na si Senator Juan Miguel “Migz” Zubiri noong Mayo 2024.

Si Sotto ay pinuno ng minorya ng Senado bago siya mahalal bilang pangulo ng Senado na dati niyang hawak mula Mayo 2018 hanggang Hunyo 2022.

Ang pagbabago sa pamumuno ng Senado ay naging daan sa pagbabago ng komposisyon ng majority at minority bloc.

Sumama kay Sotto ang mga miyembro ng minority group — na bahagi na ngayon ng majority bloc. Sila ay sina Senators Risa Hontiveros, Panfilo Lacson, Loren Legarda, at Zubiri.

Si Lacson ay iniluklok bilang Senate President Pro Tempore habang si Zubiri ay Senate majority leader.

Samantala, nagpasalamat si Escudero sa mga kasamahang senador na nagtiwala sa kanya sa 19th at 20th Congress.

Sinabi ni Escudero na iginagalang niya ang desisyon ng mayorya at nirerespeto ang kanilang desisyon.