MANILA, Philippines — Naglabas ang Commission on Elections (COMELEC) ng Show Cause Order laban kina Michael “Mike” Malaluan, kandidatong alkalde at Jayson Barcelona, kandidato sa pagka-bise alkalde ng Bayan ng Bongabong.
Ang nasabing order ay nag-uutos sa dalawang kandidato na magpaliwanag kung bakit hindi sila dapat kasuhan sa ilalim ng Omnibus Election Code, kaugnay sa umano’y paggamit ng programang “Malasakit sa Mamamayan Serbisyo Para sa Bayan”, isang programa ng LGU, upang isulong ang kanilang kandidatura.
Ilang mga isyu na tinukoy sa Show Cause Order: Pagdikit ng kanilang pangalan sa programang AICS (Assistance to Individuals in Crisis Situation) ng DSWD at ng isang senador; pamimigay ng wheelchair at iba pang tulong habang nasa gitna ng kampanya; paglalagay ng kanilang pangalan sa tulong para sa mga pumanaw, gamit pa rin ang nasabing programa.
Ayon sa Comelec, ang paggamit ng programa at pondo ng bayan upang isulong ang personal na interest sa halalan ay mahigpit na ipinagbabawal at maliwanag na pang-aabuso sa kapangyarihan.
Ang dalawang kandidato ay binigyan ng tatlong araw upang ipaliwanag at magsumite ng sagot sa Show Cause Order.