Klase sa lahat ng antas sa Metro Manila, 10 probinsiya suspindido ngayon


MANILA, Philippines — Suspindido na rin ngayong araw ng Martes ang klase sa lahat ng antas sa pampubliko at pribadong paaralan sa Metro Manila at mga karatig lalawigan.

Ayon kay Interior Secretary Jonvic Remulla, ito ay bilang bahagi ng pag-iingat sa harap ng inaasahang pagtuluy-tuloy pa ng nararanasang malakas na pag-uulan dulot ng pinalakas na Habagat.

Kabilang sa mga suspindido ang klase ay ang Metro Manila, Zambales, Bataan, Pampanga, Bulacan, Cavite, Batangas, Rizal, Pangasinan, Tarlac at Occidental Mindoro.

Ang suspension ay alinsunod na rin sa rekomendasyon ng Office of the Civil Defense.

Kahapon ay sinuspinde ng Palasyo ang lahat ng pasok sa mga pampublikong paaralan sa lahat ng antas sa Metro Manila at mga probinsiya ng Cavite, Rizal, Batangas, Laguna, Bulacan, Pampanga, Zambales at Bataan.

Sa memorandum circular 88 ni Executive Secretary Lucas Bersamin, maging ang pasok sa mga tanggapan ng gobyerno ay sinuspinde rin bandang ala-1 ng hapon.

Ang mga ahensiya naman na ang trabaho ay may kinalaman sa pagde-deliver ng mga pangunahing panga­ngailangan at health services, preparedness/response sa disasters at calamities, at iba pang vital services ay tuloy ang operasyon.

Ipinaubaya naman ng Malacañang sa mga pribadong tanggapan ang suspensyon ng kanilang pasok.

Dakong ala-1 ng hapon ay wala na ring pasok sa Supreme Court (SC) at lahat ng korte sa NCR.

Gayundin sa Senado at Kamara na nagsuspinde ng trabaho bandang hapon.