MANILA, Philippines — Magpapatuloy ang buhos ng ulan sa Metro Manila at malaking bahagi ng Luzon at Visayas hanggang Huwebes, ayon sa babala ng PAGASA nitong Martes ng umaga, Hulyo 22.
Pinapalakas pa rin ng southwest monsoon o habagat ang mga pag-ulan sa bansa, na may posibilidad ng pagbaha at pagguho ng lupa sa mga apektadong lugar.
Ngayong Martes, inaasahang makakatanggap ng 100 hanggang 200 millimeters ng ulan ang Metro Manila, Zambales, Bataan, Pampanga, Bulacan, Cavite, Batangas, Rizal, at Occidental Mindoro. Hanggang 100 mm naman ang inaasahan sa Pangasinan, Tarlac, Laguna at Quezon.
Sa Miyerkules, pareho pa rin ang na-forecast na dami ng ulan para sa mga nabanggit na lugar. Dagdag pa rito ang Ilocos Region, Oriental Mindoro, Marinduque, Romblon, Masbate, ilang bahagi ng Bicol at Western Visayas.
Pagsapit ng Huwebes, maaari namang tatamaan ng 100 hanggang 200 mm ng ulan ang Ilocos Norte, Ilocos Sur, La Union, Pangasinan, Abra, Benguet, Zambales, Bataan at Occidental Mindoro. Sa Metro Manila at iba pang lugar sa Central at Southern Luzon, 50 hanggang 100 mm ang inaasahan.
Babala ng PAGASA: mas mataas ang tsansang lumampas pa sa forecast ang ulan sa mga bulubunduking bahagi. Mas malala rin ang epekto sa mga lugar na sunod-sunod nang inuulan nitong mga nakaraang araw.
Banta ng bagyo
Bukod sa habagat, dalawang low-pressure area (LPA) ang binabantayan ngayon ng PAGASA. Ayon sa weather specialist na si Obet Badrina, posibleng maging bagyo ang isa sa mga ito.
Ang unang LPA ay namataan sa silangan ng Cagayan, habang ang isa pa ay nasa silangan ng Central Luzon. Pareho itong gumagalaw pa-hilaga at maliit ang tsansang tumama sa lupa.
“Kung lumakas man ang alinman sa dalawang LPA, posibleng humaba pa ang epekto ng habagat sa Luzon at Visayas,” ani Badrina. Samantala, isolated thunderstorms pa rin ang aasahan sa Mindanao. — Mula sa ulat ni Cristina Chi
