MANILA, Philippines — Hindi na kailangan ni Manny Pacquiao ng rematch kontra Mario Barrio
‘Yan ang mariing paniniwala ni Sean Gibbons, ang matagal nang promoter at kanang-kamay ng eight-division boxing champ.
“Tinalo ni Manny Pacquiao si Mario Barrios. Anong silbi ng rematch?” galit na pahayag ni Gibbons sa Ingles sa mga reporter matapos ang kontrobersyal na majority draw nitong Linggo, Juyl 21 (Manila time) kung saan napanatili ni Barrios ang kanyang WBC welterweight belt.
Ayon kay Gibbons, walang ipinakitang kahanga-hanga si Barrios sa laban para muling bigyan ng pagkakataon na makaharap si Pacquiao, lalo na’t wala raw interes ang mga tao sa kanya.
“Wala akong sama ng loob kay Barrios, mabait siya. Pero hindi siya nakakakuryente. Sino bang gustong manood ng mabait lang?” dagdag pa niya.
‘Weird’
Ramdam ang pagkadismaya ni Gibbons sa naging desisyon ng mga hurado.
“’Yung mga kasama ko, may lamang na pito o walong rounds si Manny. ’Yung draw — sobrang weird. Hindi ko alam kung dahil ba sa sugal sa Vegas? Pero halata naman,” aniya.
Hindi rin niya itinago ang sama ng loob: “Ito ’yung pangit na bahagi ng boxing. Dito ko minsan gustong kumawala sa sport na ’to. Sobrang lungkot.”
Para kay Gibbons, inagawan si Pacquiao ng pagkakataong gumawa ng kasaysayan bilang pinakamatandang welterweight champion sa edad na 46.
Rolly o Gervonta na lang
Imbes na rematch kay Barrios, mas gusto ni Gibbons na sumabak si Pacquiao sa mas malalaking pangalan tulad nina Rolly Romero at Gervonta “Tank” Davis.
“Rolly Romero just beat Ryan Garcia. ’Pag si Rolly at Manny ang nagharap, ang saya siguro ng promotion,” aniya.
Mas malaki raw ang potensyal na kita kung si Gervonta Davis ang makakalaban ni Pacquiao. “’Pag si Tank ang next, ito na siguro ang unang beses na mas malaki si Manny kaysa sa kalaban niya,” biro ni Gibbons.
Tinanong si Gibbons kung bakit hindi na lang rematch.
“F— Barrios. Sino bang gustong manood sa kanya? Tapos na siya. Tinalo siya ni Manny,” sagot niya, tuluyang ipinakitang wala na siyang gana kay Barrios.
Bagamat hindi niya desisyon kung sino ang susunod na makakalaban ni Pacquiao, tiwala siyang babalik pa ang boxing legend.
“Gusto pa niyang lumaban. Sa tingin ko, makikita pa natin siyang lalaban uli ngayong taon,” sabi ni Gibbons. — Mula sa ulat at video ni Dino Maragay
