Eala, Bagunas flag-bearers sa Bangkok SEAG


Russell Cadayona — Pilipino Star Ngayon

December 3, 2025 | 12:00am

MANILA, Philippines — Tinapik ng Philippine Olympic Committee (POC) sina tennis sensation A­lexandra Eala at volleyball pillar Bryan Bagunas bilang flag bearers ng Team Philippines sa parade of athletes sa opening ce­remony ng 33rd Southeast Asian Games sa Bangkok, Thailand sa Disyembre 9.

Sina Eala at Bagunas ang pinakapopular na atleta sa bansa ngayong taon, ayon kay POC president Abraham “Bambol” Tolentino.

“Popularity aside, Alex and Bryan have made impacts in the global sports community and that makes them the best choice to carry the flag in the SEA Games,” ani Tolentino kahapon.

Si Eala ang highest-ranked Filipina sa Philippine tennis history sa Women’s Tennis Association at na­ging unang Pinay na nanalo sa first round ng US Open.

Bumida naman si Bagunas sa kampanya ng Alas Pilipinas Men’s Team sa FIVB World Championship noong Setyembre.

Sa likod ni Bagunas ay tinalo ng mga Pinoy spikers ang many-time African champion Egypt sa nasabing torneo.

“It’s about the inspirational appeal, the motivation and hard-work that reaps accomplishment that make an athlete or athletes the best choice for the chore,” wika ni Tolentino.

Ipaparada ng bansa ang isang 300-member delegation sa Rajamangala National Stadium na maaaring bawasan sa 200 dahil sa isang taon na pagdadalamhati sa pagkamatay ni Queen Sirikit at ang Songkhla disaster.

Humigit-kumulang sa 1,700 atleta ang isasabak ng Pilipinas sa 2025 SEAG na naglatag ng 574 events sa 50 sports at lalaruin sa dalawang main hubs na Bangkok at Chonburi matapos malubog sa baha ang Songkhla.