October 15, 2025 | 12:00am
PASALAMATAN at i-congratulate natin si impeached Vice President Sara Duterte sa kanyang malaking ambag sa pagpapanatili ng kanyang ama sa International Criminal Court (ICC) detention facility. Siya ang best prosecutor sa kaso ni Digong. Panis ang ICC prosecutors!
Dahil sa kanyang mga pahayag, ibinasura ng ICC ang request ng kampo nila para sa interim release ng arkitekto ng madugong war on drugs na pumatay ng libu-libo. Siguradong mura nang mura ngayon ang matandang Duterte sa kapalpakan ng sariling anak.
Ano nga ba ang mga pahayag ni Sara? Wala namang masyado, mallit na bagay. Sinabi lang naman niya na itatakas daw nila si Digong sa ICC detention facility. Tinabunan nito ang buong argumento ng kanilang kampo na hindi raw “flight risk” ang dating Presidente at walang balak tumakas sa pananagutan. Bravo, Madam Vice President. Isa kang henyo!
Dagdag pa ni Sara, “wish” daw ng tatay niya na umuwi ng Davao City kung mapagbigyan ang interim release request. Eh teka, hindi ba’t ang sabi ng petition nila ay mananatili si Digong sa bansang tatanggap sa kanya pansamantala? Nalintikan na!
At siyempre, umeksena rin ang ibang anak ni Digong. Tinawag nilang “kidnapper” ang ICC. Ang yaman talaga ng mga Duterte, may sarili silang mundo. Saan ka naman nakakita ng “kidnapper” na alam ng lahat ang “hideout,” may arrest warrant, walang ransom demand, kinikilala ng mahigit 100 bansa, at higit sa lahat, pinagpepetisyunan pa nila ng release?
Palakpakan natin sina Sara. Dahil sa kanilang arogansiya at kapalpakan, sila mismo ang sumabotahe sa apela ng kanilang ama. At si Sara raw ang susunod na Presidente ng Pilipinas? Diyos ko! Kung sariling tatay nga nasabotahe niya, paano pa kaya ang buong bansa? Yari tayo riyan!
Hindi rin nagpahuli si Senator Bato Dela Rosa. I-house arrest daw si Duterte based “on humanitarian grounds” para naman daw makakain ng monggo. Aba, huwag kang mag-alala, Bato. Susunod ka na rin sa ICC. Huwag kang mahihiyang magbaon ng monggo. Pagsaluhan ninyo yan sa The Hague at sabay na pagnilayan ang mga kasalanan ninyo sa mamamayang Pilipino at sangkatauhan.