BAGUIO CITY, Philippines — Dalawa ang patay kabilang ang isang barangay chairman matapos na tambangan at pagbabarilin ng armadong grupo ang convoy ng mayoralty bet sa bayan ng Pigidian na si dating Langiden town Mayor Artemio Donato Jr., nitong Biyernes ng hapon sa Pilar, Abra.
Kinilala ng pulisya ang mga nasawi na sina Brgy. Kiat, Langiden Chairman Froilan Bueno at kanilang barangay driver na si Kevin Bueno.
Sa inisyal na ulat ng Cordillera Police, nasa 11 behikulo ni Donato Jr. ang magkakasunod na bumabagtas patungo sa bayan ng Villaviciosa mula sa Poblacion, Pilar bandang alas-4:40 ng hapon nang sila ay paulanan ng mga bala pagsapit sa Sitio Palicad, Poblacion.
Si Donato Jr., na ngayo’y mayoralty forerunner sa Pidigan, ay masuwerteng hindi nasugatan sa ambush at hindi pa nagbibigay ng pahayag sa insidente.
Nadatnan ng mga rumespondeng pulis ang isang itim na Montero SUV na may plakang B1 U480 na kasama sa convoy, sa isang bahagi ng kalsada at natagpuan si Kevin Bueno na may tama ng bala sa ulo at patay na, habang si Punong Barangay Bueno ay may tama ng bala sa tiyan. Sugatan naman ang kanilang kasamang si Sonny Bisares Buenos sa kanang hita.
Si Brgy. Chairman Bueno ay idineklarang patay habang nilalapatan ng lunas sa ospital habang si Sonny Bueno ay patuloy na ginagamot sa Seares Hospital sa Bangued, Abra.
Nabatid kay Lt. Col. Carol Lacuata, na nakakubli ang mga suspek at nakaposisyon sa mas mataas na bahagi ng nasabing lugar, may 20 metro ang layo sa highway at hinintay ang pagdating ng convoy mayoralty bet saka sila pinagbabaril.
Ani Lacuata, ikinasa na nila dragnet operation laban sa mga suspek.
