Dear Dr. Love,
Nagsisisi po ako ngayon dahil dalawa ang lalaking sinagot ko ng oo, na ngayo’y pareho kong boyfriend. Kasi naman po ay pareho ko silang type.
Kaso, malaking sakit ng ulo nang magkabukingan sila.
Minsan kasi, nang mag-date kami ni Jun sa isang restaurant, nagpunta ako sa comfort room at naiwan ko sa table ang cellphone ko.
Nabasa niya ang text message ni Andy na nagyayaya sa akin na kumain sa isa pang resto kinabukasan.
Hindi sinabi sa akin ni Jun ang nabasa niya.
Kinabukasan, habang kumakain kami ni Andy sa restaurant ay bigla na lang kaming nilapitan ni Jun at sinabi kay Andy na dalawa silang boyfriend ko.
Dati palang magkapitbahay si Jun at Andy at pareho silang tumawa sa nalaman at sinabi sa harap ko na hindi naman nila ako siniseryoso.
Tinawag ni Andy ang waiter para bayaran ang kinain namin at iniwan ako.
Napahiya ako at nagsisisi sa ginawa ko. Dalawang buwan na akong hindi makatulog at hindi makakain ng maayos dahil sa mala-king kahihiyan.
Ano ang gagawin ko?
Jinky
Dear Jinky,
Ano pa ang magagawa mo kundi limutin ang mga pangyayari? Maaaring matagal bago mawala ang nararamdaman mong pagkapahiya pero mabubura rin iyan.
Lesson learned, huwag mamangka sa dalawang ilog.
Pilitin mong makalimot dahil ikaw ang mahihirapan at malamang magkasakit ka kung hindi ka makatulog at makakain ng maayos.
Dr. Love