Dalawang taong gulang na bata, namatay matapos mapulupot sa tali ng window blinds ng hotel!


ISANG 2-anyos na batang lalaki ang namatay matapos mapulupot sa tali ng window blinds sa loob ng kanilang tinutuluyang hotel room sa Alabama, United States noong Hulyo 4.

Kinilala ng mga awtoridad ang biktima na si Kiere DeAndre Jaden Daniels Jr., na noon ay kasama ng kanyang pamilya sa Hampton Inn sa Colonnade Parkway para sa isang family reunion.

Batay sa ulat ng Jefferson County Coroner’s Office, natagpuan si Kiere na nakalupot ang leeg at katawan sa tali ng window blinds ng hotel room.

Kaagad na tumawag ng tulong ang pamilya at mabilis na rumesponde ang mga tauhan ng Birmingham Police at mga bumbero mula sa Birmingham at Rocky Ridge.

Binigyan ng agarang CPR si Kiere at agad dinala sa Children’s Hospital sa Birmingham.

Sa kabila ng mabilis na tugon, mahina ang paghinga ng bata habang dinadala sa ospital. Isinailalim siya sa life support at nanatiling kritikal sa loob ng anim na araw, bago tuluyang namatay noong Hulyo 10.

Ayon sa Jefferson County Coroner na si Bill Yates, walang nakitang foul play sa insidente. Idineklara ng coroner’s office na aksidente ang dahilan nang pagkamatay ng bata.

Ang insidente ay nagsilbing paalala sa mga ma­gulang at tagapag-alaga na laging tiyaking ligtas ang paligid para sa mga maliliit na bata, lalo na sa mga lugar na hindi pamilyar sa kanila, gaya ng mga hotel at transient accommodation.

Ayon sa mga pulis, pumulupot sa leeg at katawan ng bata ang tali ng window blinds.