HINAMON ni acting Davao City Mayor Sebastian “Baste” Duterte si Philippine National Police (PNP) chief Gen. Nicolas Torre III ng suntukan. Kinasahan ito ni Torre at inorganisa ang suntukan sa Rizal Memorial Colesium sa Maynila. Dahil marami ang mahilig manood ng boksing, ginawang “boxing for a cause” ang bout ng dalawa. Ang kikitain sa bakbakan ay ipamumudmod sa mga sinalanta ng Bagyong Crising at habagat.
Marami ang dumating para manood ng laban noong Linggo. Pero hindi dumating si Baste kaya si Torre ang dineklarang nanalo. Malaki ang kinita ng sagupaan—tumataginting na P16 million! Bukod pa riyan ang isang truck ng bigas at sardinas.
Kaya taas-noo si Torre dahil mayroon siyang paninindigan at hindi umatras sa naghamon na si Baste.
Nalaman ko na nagtungo sa Singapore si Baste kasama ang kanyang pamilya sa araw mismo ng itinakdang boxing bout sa Rizal Memorial.
Dahil sa hindi pagdating ni Baste, marami akong narinig na komento ukol sa kanya. Puro hamon lang daw pala si Baste Duterte. May nagsabi pang duwag daw ito.
Sa nangyari, mas mabuti na huwag na lamang patulan ni Torre kung maghahamon muli si Baste. Naipakita na naman ng PNP chief na kumasa siya sa hamon at tama na iyon.
Ito namang paghahamon ng suntukan ni Baste ay hindi magandang halimbawa sa mga kabataan. Marami pa namang kabataan ang nakasubaybay sa paghahamon niya. Sa ngayon pa naman ay maraming insidente ng bullying sa klase. At ang paghahamon ni Baste ng suntukan ay nagpapakita ng pambu-bully. Hindi magandang halimbawa lalo pa’y siya at may hinahawakang posisyon sa pamahalaan.
Sa halip na maghamon ng suntukan ay ituon ang panahon sa pagtulong sa mga nasasakupan na nangangailangan ng tulong lalo ang mga sinalanta ng kalamidad.